BAGUIO CITY, Philippines – Nagpatupad ang pamahalaang lungsod ng Baguio ng libreng sakay at emergency mobility program habang pinapahirapan ng tumataas na presyo ng langis ang pampublikong transportasyon at nagsisimula nang makaapekto sa turismo ngayong Holy Week, ayon sa mga opisyal.
Sinabi ng city government na maaaring tumaas ng hanggang P9 ang lokal na presyo ng fuel, dagdag-pasanin sa mga driver na hirap na sa mahinang kita. Ilan sa kanila ang nagsabing maaari na silang tumigil sa pamamasada kapag lalo pang tumaas ang gastos.
Upang maibsan ang epekto nito, inilunsad ng lungsod ang Emergency Mobility Support Program na sasaklaw sa tinatayang 20 porsiyento ng mga jeepney sa ilalim ng service contracting, partikular para sa mga biyahe sa gabi.
“Ise-service contract ng city ‘yung biyahe ng gabi in order to guarantee na babalik sila sa gabi at magsakay ng ating residente na pauwi,” ayon kay City Administrator VJ Cawis.
Nagpatupad din ang lokal na pamahalaan ng free ride program para sa mga residente, lalo na’t mas kakaunti ang bumibiyaheng public utility vehicle sa gabi, bagaman sinabi ng mga opisyal na limitado pa rin ito dahil sa kakulangan sa pondo.
Sa mga bus terminal, patuloy ang pagdagsa ng mga pasahero habang ina-adjust ng mga transport company ang kanilang operasyon dahil sa mataas na presyo ng langis. Ang ilang biyahe ay humahaba ang waiting time, habang ang iba naman ay saka lamang nagpapaandar ng makina bago sumakay ang mga pasahero upang makatipid sa fuel.
Nagpapakita rin ng paghina ang turismo ngayong Holy Week. Bagaman may bahagyang pagbuti sa hotel occupancy mula Good Friday hanggang Black Saturday, nananatili pa rin itong mas mababa kumpara sa mga nagdaang taon.
“‘Yung mga tourist na umakyat during the Holy Week were probably the ones who utilized our public transport system kasi significant ‘yung drop ng private vehicles sa kalsada,” sabi ni Cawis.
Inaasahan ng city government na muli pang bababa ang hotel occupancy sa mga susunod na linggo, na maaaring makaapekto sa mga negosyong nakadepende sa turismo. Ayon naman sa street vendor na si Rodel Palayo, malaki na ang ibinagsak ng kita. Sa gitna nito, itinutulak ng lungsod ang sustainable tourism at hinihikayat ang mga negosyo na bumili sa mga lokal na source upang manatiling umiikot ang lokal na ekonomiya.
“Local businesses, restaurants, hotels natin dito sa Baguio, we encourage them na hyper local. Bili tayo sa ating mga local sources para lang umiikot pa rin ‘yung ating ekonomiya,” dagdag ni Cawis. Mary Anne Sapico