MANILA, Philippines – Pinabulaanan ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Miyerkules ang pahayag na nasa 40,000 overseas Filipino workers (OFWs) ang stranded sa Pilipinas dahil sa umano’y deployment ban, at iginiit na walang ipinatutupad na ban para sa mga manggagawang patungong Middle East sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa rehiyon.
Sa social media post ng ahensya, sinabi ng DMW na tuloy ang deployment sa Middle East sa ilalim ng umiiral na mga protocol. Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, ang mga alert level na inilalabas ng Department of Foreign Affairs (DFA) ay hindi awtomatikong nangangahulugan ng blanket suspension ng deployment.
“Our shared responsibility is to ensure the safety and well-being of our OFWs, especially in times of crisis,” pahayag ni Cacdac sa mga recruitment agency sa pulong noong Martes na tumalakay sa mga usapin ng mga manggagawang patungong Middle East, mga kasalukuyang naka-deploy, at mga nais magpa-repatriate.
Sinabi ni Cacdac na nakikipag-ugnayan ang DMW sa mga lisensyadong Philippine recruitment agencies upang bantayan ang sitwasyon sa ground, tumulong sa mga naka-deploy na manggagawa, at tugunan ang mga alalahanin ng mga naka-iskedyul pa lamang umalis o naghahangad ng repatriation. Inatasan din ang mga recruitment agency na paigtingin ang monitoring sa kanilang mga manggagawa at tiyakin ang agarang ayuda, lalo na sa mga lugar na may mataas na security risk.
Sa gitna ng tensyon sa Middle East, pinalalakas din ng DMW ang Pre-Departure Orientation Seminar upang mas maihanda ang mga OFW sa nagbabagong security conditions sa host countries. Samantala, patuloy ding ipinatutupad ang voluntary repatriation para sa mga OFW at kanilang mga dependent na nais umuwi ng bansa, kasama ang reintegration support alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Para naman sa mga nagbabalik na manggagawang nais muling makapagtrabaho sa abroad, inilunsad ng DMW ang Creating Alternative Labor Market initiative upang mapabilis ang redeployment sa pamamagitan ng pinalawak na job opportunities sa high-demand sectors.
Kabilang sa programang ito, na isinasagawa katuwang ang private recruitment agencies, ang virtual interviews, targeted job fairs, at mas mabilis na job matching sa mga labor market sa Asia-Pacific, Europe, at North America. Dave Baluyot