Home NATIONWIDE 11 forwarders kakasuhan sa libo-libong naantalang balikbayan boxes – BOC

11 forwarders kakasuhan sa libo-libong naantalang balikbayan boxes – BOC

131
0

DAVAO, Philippines – Nakatakdang sampahan ng kasong kriminal at administratibo ng Bureau of Customs (BOC) ang 11 forwarders at deconsolidators kaugnay sa libo-libong naantalang balikbayan boxes na nakaapekto sa maraming pamilya.

Tiniyak ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa mga apektadong pamilya sa isinagawang “Overseas Filipino Workers Kamustahan” noong Miyerkules, Abril 8, sa Port of Davao, na patuloy na isinasagawa ang mga hakbang at tuloy-tuloy ang delivery ng mga kahon sa buong bansa.

Ayon sa BOC, nasa 147 apektadong container—140 na puno at pito na bahagyang laman—ang nailabas matapos manatiling hindi naproseso nang hanggang tatlong taon, habang nire-review na rin ang mga reklamong inihain sa National Bureau of Investigation.

Sa kabuuan, 35,549 sa 42,063 abandonadong balikbayan boxes o katumbas ng 85 porsyento ang naihatid na sa mga konsinyado sa buong bansa, kabilang ang Davao City, hanggang Abril 8, habang nasa 15 porsyento pa ang nakabinbin.

Naitala naman sa Port of Manila ang 100 porsyentong completion rate sa delivery ng 70 kahon, gayundin ang 100 porsyento sa Davao (732 kahon), 98 porsyento sa Cebu (13,998 kahon), 96 porsyento sa Subic (2,699 kahon), at 75 porsyento sa Manila International Container Port (18,050 kahon).

Umaasa si Nepomuceno na makukumpleto ang natitirang delivery ng mga abandonadong balikbayan boxes bago matapos ang Abril, at iginiit na dapat maibalik ang mga ito sa tamang pamilya dahil pinaghirapan ito ng kanilang mga mahal sa buhay sa ibang bansa.

Ipinaliwanag ng komisyoner na nagsimula ang problema sa mga foreign-based consolidators na tumanggap ng bayad mula sa mga OFW ngunit nabigong bayaran ang shipping, port, storage, at handling charges pagdating ng mga kahon sa Pilipinas.

Dagdag pa niya, pumalya rin umano ang mga lokal na partner deconsolidators sa pagpapalabas at paghahatid ng mga kargamento, dahilan upang maiwan at maabandona ang libo-libong balikbayan boxes kahit bayad na ang mga ito.

Sinabi ni Nepomuceno na naengganyo ang ilang OFW sa mga kumpanyang ito dahil sa mababang singil at pangakong mabilis at door-to-door delivery, kaya’t nanawagan siya sa publiko na maging maingat sa pagpili ng forwarders.

Mula Nobyembre 2025, sinuspinde na ng BOC ang 11 deconsolidators at tinutugis ang mga ito sa dalawang kaso: paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act sa pamamagitan ng Department of Justice, at kasong large-scale estafa at cybercrime sa National Bureau of Investigation.

Kabilang sa mga kumpanyang may negatibong rekord ang Beneflux Freight Logistics Philippines, Brand Expert Freight Forwarder Corp., Cargoflex Haulers Corp., Ikthus Trading Corp., Makati Express Cargo Inc., Marcelo D. Laylo Cargo Forwarder, MBS Cargo Movers Co., ME Amoree International Consumer Goods Trading, MT de Guzman Non-Specialized Wholesale Trading, RLMR Freight Forwarder Services, at Tri-Star Cargo Express International Philippines.

Ayon kay Nepomuceno, pinakamalaki sa mga kumpanyang may delay ang Makati Express, na may hawak ng tinatayang 50 hanggang 60 porsyento ng mga apektadong container.

Patuloy ring iniimbestigahan ng BOC ang mga foreign partner firms sa United Arab Emirates, Kuwait, Saudi Arabia, at Qatar, bagamat aminado ang komisyoner na may hamon sa hurisdiksyon sa mga kasong ito.
Tinatayang nagbayad ang mga OFW ng $90 hanggang $100 bawat kahon o mahigit P6,000, at batay sa 42,063 kahon, posibleng umabot sa P330 milyon ang kabuuang halaga ng bayad.

Sinagot naman ng pamahalaan ang gastos sa pagpapalabas ng mga kahon, kabilang ang P19 milyon sa hindi nabayarang buwis, P90 milyon sa port, shipping, at handling fees, at karagdagang P30 milyon para sa paghahatid sa mga tahanan.

Nagsimula ang government-assisted distribution noong Disyembre 18, 2025 matapos aprubahan ang pondo ng Department of Finance at ng Office of the President of the Philippines.

Binigyang-diin ni Nepomuceno na suportado ng administrasyon ang hakbang na ito, kasama ang koordinasyon ng iba’t ibang ahensya at stakeholder ng migrant workers upang matiyak ang ligtas at napapanahong delivery ng mga kahon.

Naglatag din ang BOC ng mga mekanismo tulad ng Balikbayan OFW Action Center, Balikbayan Box Help Desk sa Customer Care Center, OFW Corner sa kanilang website, at “Isumbong Kay Commissioner” platform para sa reklamo at monitoring.

Plano rin ng ahensya na maglabas ng bagong kautusang administratibo upang higpitan ang regulasyon sa freight forwarders, kabilang ang panukalang P2-milyong bond bilang garantiya sa maayos na paghawak ng shipments.

Hinimok ng BOC ang mga OFW na maging mapanuri sa pagpili ng forwarders, iwasan ang sobrang murang singil, humingi ng opisyal na resibo at tracking reference, at agad ireport ang mga paglabag sa mga ahensya ng gobyerno tulad ng Department of Trade and Industry. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here