NANG ihain sa Senado ang panukalang batas na Bayanihan 3 o ang Bayanihan Power to the People Act, marami ang umasa, lalo na ang mga vulnerable sector, na makapagbibigay ito ng kahit kaunting ginhawa sa nararanasang hirap ngayon ng sambayanan dulot ng sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa naturang panukalang batas, magagamit ng Pangulo ang mga emergency power na kailangan para mapatatag ang presyo ng langis, direktang makapagbigay ng subsidiya sa mahihinang sektor ng lipunan, at makapaglatag ng pangmatagalang reporma sa enerhiya.
Pero sa pananaw ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano kilala bilang CRV, mas maganda kung ang kanyang panukalang AHON o Agapay sa Hanapbuhay at Operasyon ng Negosyo ang maipasa sa dalawang kapulungan ng kongreso na magtatakda ng iba’t-ibang solusyon sa magkakaibang pangangailangan.
Kasama sa AHON bill ang mga direktang tulong sa mga manggagawa, middle class, at Micro Small & Medium Enterprises dahil sila ang dumaranas ngayon ng kalbaryo sa sobrang taas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Layunin din ng AHON na tulungan ang mga Pilipinong manggagawa, middle class, at negosyante na makaahon sa kinasasadlakang krisis na lalo pang pinatitindi ng walang tigil na pagtaas ng mga bilihin, kuryente, Liquefied petroleum gas, at iba pa.
Sa ilalim ng panukala ni CRV, dapat pagkalooban ng kongreso ang maliliit na negosyante ng pondo upang makatulong, hindi lamang sa paglago ng negosyo kundi makatulong din sa kanilang manggagawa.
Ipinanukala rin ni CRV na wag ng singilin sa buwis ang mga kumikita lang ng P3,000 at ang mga miyembro ng SSS na may buwanang kitang P25,000 pababa.
Marami pang nakasaad sa panukala ni CRV kabilang ang wala ng interest sa mga uutang na P250,000 pababa na babayaran nila ng dalawa hanggang tatlong taon, pagbibigay ng P500 sa bawa’t kabahayan para pagbili nila ng kada tangke ng LPG, at tax credit sa retailers, wholesalers, at freight forwarders.
Kung tutuusin, mas maganda nga ito dahil lahat ay mabibigyan ng pagkakataong makinabang sa tulong ng pamahalaan, maging maliliit na negosyante, ordinaryong manggagawa, at bawa’t pamilya na kumokonsumo sa gamit na pangluto.
Sana lang, makita rin ng mga senador ang magandang panukala ni CRV nang sa gayon ay kanilang bigyang ng pagkakataong maipasa kaagad at maging isang ganap na batas.






