Home HOME BANNER STORY Bumagsak na Cessna plane, natagpuan sa Dinagat; 2 sakay nawawala pa rin

Bumagsak na Cessna plane, natagpuan sa Dinagat; 2 sakay nawawala pa rin

94
0

MANILA, Philippines – Natagpuan na ng search and rescue teams ang mga bahagi ng bumagsak na Cessna plane sa Barangay Navarro, Tubajon, Dinagat Islands, ngunit nawawala pa rin ang dalawang sakay nito, ayon sa mga awtoridad nitong Huwebes.

Ayon sa Dinagat Islands Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), nakita ang aircraft na may registry number na RP-C2444 noong Miyerkules ng hapon. Hanggang Huwebes ng umaga, nagpapatuloy pa rin ang search and assessment operations sa masukal at mabatong bahagi ng crash site.

“Authorities are also intensifying efforts to locate the individuals on board who remain missing as of this report,” ayon sa PDRRMO.

Naglatag din ng Incident Management Team (IMT) sa lugar upang tiyakin ang maayos na koordinasyon ng mga tumutugong ahensiya, kabilang ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police (PNP).

Agad namang iniutos ni Governor Nilo Demerey Jr. ang operasyon matapos maiulat ang insidente.

Ayon sa mga residente ng Barangay Navarro, nakarinig sila ng malakas na pagsabog dakong ala-1 ng hapon noong Miyerkules. Bandang alas-3 naman ng hapon nang makatanggap ang pamahalaang panlalawigan ng ulat mula sa Siargao Tower na nawalan ng komunikasyon ang eroplano, at huling namataan ito sa bahagi ng Barangay Navarro.

Batay sa ulat, patungong Siargao Island ang eroplano at may lulang dalawang katao, ngunit hindi tinukoy ang pinanggalingan nito. Dakong alas-4 ng hapon nang marating ng search and rescue teams ang lugar at narekober ang ilang bahagi ng wreckage.

“Responders remain focused on navigating challenging terrain conditions while sustaining search efforts,” dagdag pa ng PDRRMO. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here