Home NATIONWIDE 4 day on-site workweek, ipinatupad ng DepEd

4 day on-site workweek, ipinatupad ng DepEd

130
0

MANILA, Philippines – Magpapatupad ang Department of Education (DepEd) ng apat na araw na on-site workweek para sa school-based personnel simula Biyernes, Abril 10, 2026, bilang bahagi ng energy conservation efforts sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng sigalot sa Middle East.

Sa memorandum na inilabas nitong Huwebes, sinabi ng DepEd na work-from-home arrangement ang susundin tuwing Biyernes ng school-based non-teaching at related teaching personnel mula Abril 10 hanggang Hunyo 5, 2026.

Ayon sa ahensya, dapat tiyakin ng mga school head na hindi maaantala ang mahahalagang operasyon ng paaralan at may nakahandang wastong staffing arrangements habang ipinatutupad ang WFH setup.

Pinayagan na rin ng DepEd ang mga private school na magpatupad ng blended learning upang makatulong sa pamamahala ng tumataas na gastusin sa kuryente sa panahon ng national energy emergency.

Sa hiwalay na memorandum na may petsang Abril 7, 2026, nilinaw ng kagawaran na maaaring ipagpatuloy ng mga private school ang limang araw na face-to-face classes o kaya ay magpatupad ng blended learning arrangements.

Naglabas din ang Commission on Higher Education (CHED) ng guidelines para sa higher education institutions upang maipatupad ang iba’t ibang learning modalities, kabilang ang full online classes para sa nalalabing bahagi ng Academic Year 2025–2026.

“During the national energy emergency, HEls may adopt up to 100% online delivery as necessary and as a temporary arrangement, subject to institutional capacity and student readiness and notification to the CHEDRO (CHED Regional Office) concerned,” ayon sa komisyon.

“Such temporary arrangements shall not be construed as authority to operate undergraduate and graduate programs through Open Distance and e-Learning,” dagdag pa nito.

Ayon sa CHED, mananatiling epektibo ang advisory hanggang sa pagtatapos ng AY 2025–2026, kabilang ang summer classes, at maglalabas ng panibagong advisory bago magsimula ang AY 2026–2027.

Nauna nang nagdeklara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng state of national energy emergency dahil inaasahang lalo pang tataas ang presyo ng petroleum products bunsod ng sigalot sa Middle East.

Inanunsyo rin niya na simula Marso 9, 2026, pansamantalang ipatutupad ang four-day workweek sa mga tanggapan sa ilalim ng executive department.

Inatasan din ng Pangulo ang lahat ng ahensya at instrumentalities ng pambansang pamahalaan, kabilang ang government-owned and controlled corporations (GOCCs), na bawasan ng 10% hanggang 20% ang kanilang konsumo sa kuryente at fuel. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here