Home NATIONWIDE Senate probe vs ‘di susunod na gasolinahan sa oil price rollback, ibinabala

Senate probe vs ‘di susunod na gasolinahan sa oil price rollback, ibinabala

122
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Senator Sherwin Gatchalian na posibleng magkaroon ng imbestigasyon sa Senado kung hindi maipapakita sa lokal na presyo ng gasolina at iba pang produktong petrolyo ang kamakailang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Sinabi ni Gatchalian, chair ng Senate Proactive Response and Oversight for Timely and Effective Crisis Strategy (PROTECT) Committee, na mahigpit na minomonitor ng mga awtoridad ang galaw ng domestic fuel prices sa gitna ng pangamba na hindi ganap na naipapasa sa mga consumer ang bawas-presyo mula sa international market.

“Kapag tumaas ang presyo sa international market, kaagad tumataas dito. Pero kapag bumababa, parang mabagal ang pagbaba. Hindi pwedeng tanggapin lang natin ito,” pahayag ni Gatchalian sa isang radio interview.

Tinukoy niya ang tinatawag na rocket and feather effect, kung saan mabilis ang taas-presyo ngunit mabagal ang ibinababa nito, dahilan upang kuwestiyunin kung patas bang naipapasa ng mga oil company sa publiko ang pagbaba ng presyo sa world market.

Ayon sa senador, dapat tiyakin ng Department of Energy na nakaayon sa global trends ang fuel price adjustments, at maaari umanong mapatawan ng parusa ang mga kumpanyang hindi susunod.

“Kapag hindi bumaba, dapat parusahan. Iimbestigahan namin ito,” aniya.

Binanggit din ni Gatchalian na mula sa mahigit USD110 kada bariles ay bumaba umano sa humigit-kumulang USD93 kada bariles ang global oil prices kasunod ng paghupa ng geopolitical tensions, ngunit hindi pa ito lubos na nararamdaman sa lokal na presyo ng petrolyo.

Iginiit din niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na oversight sa ilalim ng umiiral na sistema, at sinabing nililimitahan ng oil deregulation law ang kakayahan ng pamahalaan na masilip ang pricing structures.

Dahil dito, sinabi ni Gatchalian na naghain siya ng panukala upang maibalik ang kapangyarihan ng gobyerno na repasuhin at bantayan ang mga bahagi ng fuel pricing.

Idinagdag pa niya na ang deklarasyon ng national energy emergency ay nagbibigay ng mas malawak na kapangyarihan sa executive branch upang makialam kung kinakailangan, kabilang ang mga hakbang para matiyak ang patas na presyo sa domestic market. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here