MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng P8 billion sa 42,000 barangay sa buong bansa para pagaanin ang epekto ng giyera sa Gitnang Silangan sa grassroots level.
Sa isang kalatas, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto, ang 42,000 barangay sa buong bansa ay makatatanggap ng P200,000 bawat isa sa ilalim ng “Bawat Barangay Makikinabang” program ng administrasyon para sa kanilang ‘educational, social at economic projects.’
Ang first batch na 5,000 barangay ay makatatanggap ng kanilang alokasyon sa Marso 24.
“Direktang ibibigay ang suporta sa mga barangay. Utos ng Pangulo na palakasin sila sapagkat ang mga frontliners na ito ang pinakamalapit sa tao. Sila ang unang nakakakita ng problema. At sila rin ang dapat may kakayahang umaksyon agad,” ang sinabi ni Recto.
Ang kalahati o P 100,000, ay ipopondo naman sa “finisher program” para sa mga residente ng barangay na college seniors upang sa gayon ang kanilang graduation ay hindi “derailed or delayed” ng economic disturbance na sanhi ng krisis sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim ng programa, “may 200,000 graduating college students ang maililigtas mula sa economic dislocation na maaaring dahilan para mapilitan ang mga ito na ‘drop out of school.”
“We are protecting the dreams of students who are already within reach of graduation. We will not let them quit in their final year of school,” ang sinabi ni Recto.
“To ensure the seamless and speedy release of funds, the Office of the President has partnered with the Liga ng mga Barangay in mobilizing recipients and monitoring fund use,” aniya pa rin.
Ang mangangasiwa sa implementasyon ay ang Department of the Interior and Local Government, kung saan kailangan na tiyakin ng field offices nito na ang pondo na gagamitin ay susunod sa public budgeting, accounting at audit rules.
Ang grant distribution ay dapat na makompleto bago ang Hunyo 2026 at ang lahat ng pondo ay dapat na ma-utilized bago magtapos ang taon. KRIS JOSE