MANILA, Philippines – NAKATAKDANG maglunsad ang Presidential Communications Office (PCO) ng isang website kung saan ang mga netizens ay maaaring mag-report ng fake news.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na itutulak ng gobyerno na maparusahan ang mga nagpapakalat ng disinformation.
Patuloy kasing kumakalat ang disinformation, partikular na kaugnay sa kalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at alegasyon ng “recycled” na litrato na ginamit sa kanyang social media accounts.
“Gagawa po ang PCO ng isang website o isang platform kung saan n’yo po isusumbong lahat ng fake news na nagkakalat at ‘yan po ay hindi namin tutulugan at lahat po ‘yan ay dapat sampahan ng kaso. Inuulit po natin, fake news,” ayon kay Castro.
“At alam naman natin kung ano yung mga fake news na naglalabasan—ito’y halos lahat laban sa Pangulo at sa administrasyon na ito, patungkol sa kalusugan, wala raw ginagawa ang gobyerno lalong lalo na patungkol sa krisi sa Middle East,” ang sinabi pa ni Castro.
Samantala, tinuran ni acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez na hindi ligtas ang iba pang nagpapakalat din ng fake news laban sa first family lalo na kay Pangulong Marcos ukol sa tunay na lagay ng kalusugan nito.
Tiniyak ni Gomez, walang malilibre o maliligtas sa imbestigasyon at kapag nakakita ng matibay na ebidensiya ay makakasuhan. KRIS JOSE