Home NATIONWIDE Pagparada sa driveway, maaaring magdulot ng abala – MMDA

Pagparada sa driveway, maaaring magdulot ng abala – MMDA

101
0

MANILA, Philippines – Sa napaulat na kamakailang alitan ng magkapitbahay sa Quezon City na nag-ugat sa pag-park ang isang sasakyan sa harap ng bahay ng kapitbahay, isinaad ni MMDA Special Operations Group-Strike Force Head Gabriel Go na delikado ang pagharang sa mga gate at driveway dahil maaari itong makaapekto sa emergency access.

“Pag hinarangan po natin ang mga gate, napakadelikado po nito. Tulad ng sinasabi natin lagi, in case of emergencies, hindi naman natin masasabi kung kailan ‘yan, paano na lang ‘yung accessibility ng mga tao?” ani Go.

Dagdag niya, bawal din ang pagparada sa intersections at iba pang lugar sa ilalim ng Republic Act 4136 o Land Transportation and Traffic Code.

“Hindi po ba basic knowledge din na hindi maaaring pumarada sa tinatawag intersection or intersection core under RA4136 din po yan. Sa inyo na po galing, public road meaning ginagamit for mobility. Hindi naman public parking slot or space,” dagdag niya.

Ayon sa Section 46 ng RA 4136, bawal ang parking sa harap ng driveway, intersection, crosswalk, malapit sa fire station at fire hydrant, at iba pang lugar na may nakalagay na bawal pumarada.

Pinuna rin ni Go ang ginawang pag-vandalize ng homeowner sa sasakyan at sinabing mas mainam sana na dumaan sa tamang proseso tulad ng barangay o MMDA.

Ayon naman sa Land Transportation Office (LTO) chief Markus Lacanilao, kahit public road pa ito o private driveway, may violation pa rin ang maling pagparada.

“Obstruction yan yung violation niya kasi inamin naman niya nasa public road yan. Kung public road hindi ka dapat nakahinto, naka-park sa kalye. So obstruction yan, dapat inaalis mo yan, so may violation talaga siya. Bawal po yun,” aniya.

Dagdag pa niya, maaaring umabot sa P10,000 ang multa at puwedeng ipa-tow ang sasakyan kung naka-block sa driveway.

“Dapat bigayan lang,” dagdag niya, na tumutukoy sa mas maayos na pag-uusap sa pagitan ng magkakapitbahay.

Dahil nahuli sa video ang insidente, sinabi ng LTO na maaaring maglabas ng show-cause order laban sa driver ng sasakyan. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here