ZAMBOANGA, Philippines – Sinira ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Zamboanga ang tinatayang P266 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo noong Martes sa Barangay Manicahan, Zamboanga City.
Ayon sa ulat, gumamit ang BOC ng heavy-duty shredding machine sa unang pagkakataon sa rehiyon, imbes na tradisyonal na paraan tulad ng steamroller o pagbabad sa tubig, upang matiyak na wala nang magagamit o mare-recover na bahagi ng mga sigarilyo.
Ayon kay District Collector Elenita Abaño, ginawa ang bagong paraan dahil sa mga ulat na may mga “resurrected” na sigarilyo na umano’y nakukuha muli at naibebenta sa mga tindahan matapos ideklarang sinira na.
“Through the process, they ensure that not a single pack can be recovered or returned to the market,” aniya, dagdag pa na layunin nitong mapataas ang kredibilidad ng Port of Zamboanga at mawala ang pagdududa sa kanilang proseso ng pagsira ng kontrabando.
Ang mga nasirang sigarilyo ay binubuo ng 5,069 master cases, 2,620 reams, at 32 packs mula sa mahigit dalawang taong operasyon sa mga karagatan ng Mindanao.
Isinagawa ang operasyon sa tulong ng Philippine Navy, Philippine National Police, at Philippine Coast Guard.
Ayon kay Police Brig. Gen. Edwin Quilates ng PRO9, bahagi ito ng pagtutulungan ng mga ahensya upang labanan ang smuggling at maiwasang maging bagsakan ng ilegal na sigarilyo ang Zamboanga.
Nagpahayag din ang mga awtoridad na mananatiling mahigpit ang kanilang operasyon laban sa smuggling sa rehiyon. RNT/MND