MANILA, Philippines – Kabilang ang Pilipinas sa pitong “priority countries” para sa bagong international food assistance programs ng Estados Unidos, ayon sa US Department of Agriculture (USDA) noong Biyernes.
Kasama ng Pilipinas sa listahan ang Bangladesh, Bolivia, Ecuador, Morocco, Sri Lanka, at Thailand sa ilalim ng Food for Progress program ng USDA.
Ayon sa USDA, wala pang inilalabas na detalye tungkol sa pondo, ngunit inaasahang maglalaan ng hanggang USD 226 milyon para sa mga bagong kasunduan sa fiscal year 2026. Ang bawat proyekto ay maaaring umabot sa USD 28 milyon hanggang USD 35 milyon at tatagal ng limang taon.
Ang programa ay ipinatutupad ng USDA Foreign Agricultural Service (FAS) sa pakikipagtulungan sa mga kwalipikadong organisasyon upang magsagawa ng mga proyekto sa agrikultura, ekonomiya, at imprastraktura, habang pinapalakas din ang kalakalan ng US.
Pinopondohan ang mga proyekto sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga produktong agrikultura ng US sa mga bansang kasali sa programa.
Layunin nito na makatulong sa pag-unlad ng agrikultura at seguridad sa pagkain sa mga partner countries tulad ng Pilipinas. RNT/MND