MANILA, Philippines — Inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang opisyal na aviation insignia ng Philippine Army, bilang bahagi ng pagpapalakas sa aviation arm nito.
Ayon sa ulat, ang disenyo ng insignia, na inaprubahan din ng National Historical Commission of the Philippines, ay sumisimbolo sa lumalawak na papel ng Army sa air mobility, disaster response, at combat support.
Kasabay nito, unang iginawad ang Army Aviation Service Insignia kay Philippine Air Force reservist Col. Michael Odylon L. Romero, na kauna-unahang tumanggap nito mula sa labas ng regular na hanay ng Philippine Army.
Kinilala si Romero sa kanyang ambag sa AFP Modernization Program, kabilang ang pagkuha ng C-130 aircraft, at sa paggamit ng aviation resources noong pandemya para sa transportasyon ng tropa, bakuna, at medical supplies.
Ayon kay Army Aviation Regiment Chief Col. Richard Servito, si Romero ang pinakaangkop na unang awardee dahil sa kanyang kontribusyon at pagsuporta sa Army aviation.
Sinabi naman ni Romero na ang parangal ay patunay ng kahalagahan ng ugnayan ng civilian aviation at military lalo na sa panahon ng sakuna at krisis.
Ang Philippine Army aviation units ay nagbibigay ng suporta sa operasyon sa lupa, kabilang ang troop transport, reconnaissance, at medical evacuation—mahalaga lalo na sa isang arkipelagong bansa tulad ng Pilipinas.
Ang pag-apruba ng insignia ay pormal na pagkilala sa Army Aviation Regiment bilang isang mahalagang kakayahan sa loob ng sandatahang lakas. RNT/JGC