VATICAN – Ipinahayag ni Pope Leo XIV nitong Linggo na mas “closer than ever” siya sa mga mamamayan ng Lebanon, kasabay ng panawagan sa lahat ng panig na itigil ang labanan at maghanap ng kapayapaan.
Sa pagtatapos ng kanyang noon prayer, binigyang-diin ng Santo Papa ang responsibilidad ng bawat isa na protektahan ang mga sibilyan mula sa epekto ng digmaan.
“The principle of humanity, inscribed in the conscience of every person and recognized in international law, entails the moral obligation to protect the civilian population from the atrocious effects of war,” aniya.
Nanawagan din siya para sa kapayapaan sa iba pang bahagi ng mundo, kabilang ang Ukraine at Sudan, na aniya ay patuloy na nakararanas ng krisis at digmaan.
Binati rin niya ang mga Kristiyanong nagdiriwang ng Orthodox Easter at umapela sa international community na huwag talikuran ang “beloved people of Ukraine.”
Binigyang-diin din niya ang ika-3 anibersaryo ng digmaan sa Sudan at nanawagan ng usapang pangkapayapaan para sa tinawag niyang “inhuman tragedy.”
Noong Sabado, mas mariing tinuligsa ni Pope Leo XIV ang nagpapatuloy na digmaan, tinawag itong bunga ng “delusion of omnipotence” at nanawagan sa mga lider na tapusin na ang labanan.
“Enough of the idolatry of self and money! Enough of the display of power! Enough of war!” mariin niyang pahayag. RNT/MND