Home NATIONWIDE VP Sara hinamong humarap sa impeachment hearing

VP Sara hinamong humarap sa impeachment hearing

104
0

MANILA, Philippines – Hinamon ng ilang mambabatas si Vice President Sara Duterte na dumalo sa impeachment hearing na nakaiskedyul bukas, Abril 14, upang personal na sagutin ang isyu at hindi harangan ang proceedings sa pamamagitan ng pagpapasaklolo sa Korte Suprema.

Ayon kay Deputy Speaker at La Union Rep Paolo Ortega, sagot sa mga akusasyon at hindi pagkukubli ang syang hinahanap ng taumbayan.

“The public deserves answers based on evidence, not avoidance. Kung may depensa, ilahad. Kung may tanong sa testigo, itanong sa hearing. Hindi po pwedeng i-dismiss sa labas ang mga testigo pero iiwasan ang pagkakataong harapin sila sa loob ng proseso,” pahayag ni Ortega.

Giit ni Ortega, ang House Justice Committee ang tamang forum para kay Duterte para ilahad ang kanyang panig sa mga akusasyon at hind isa SC.

Gayundin ang pahayag ni House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep Joel Chua, aniya, kung tinuturing ng kampo ni Duterte na “weakest link” ang pagharap sa pagdinig bukas ng testigo na si Ramil Madriaga ay mas nararapat na andun sa hearing ang Pangalawang Pangulo.

“Kung sinasabi nilang sinungaling at ‘weakest link’ si Madriaga, mas lalo nilang dapat harapin ang pagdinig para mapatunayan iyon. Hindi po puwedeng sa labas lang magsalita, pero sa loob ng proseso ay umiiwas,” ani Chua.

Una nang sinabi ni dating presidential spokesman Salvador Panelo na “unreliable” si Madriaga gayunpaman para mga mambabatas, may hawak na alas ang testigo laban sa dati nitong amo kaya maaga pa para sabihin na ito ang “weakest link” sa impeachment case.

Inudyukan din ni House Committee on Public Accounts Chairman at Bicol Saro Partylist Rep Terry Ridon si Duterte na dumalo sa hearing, aniya, hindi pressconference ang sagot sa mga reklamo laban sa Pangalawang Pangulo kundi ang matapang nitong pagharap.

Nagpatutsada pa si Ridon kay Panelo sa pagsasabing wala itong poder na magbigay ng komento ukol sa impeachment hearing dahil hindi naman ito kasama sa defense team.

“Well una po sa lahat, sino ba si Atty. Panelo dito sa impeachment proceedings. Si Atty. Panelo ay abogado lang po ng Vice President sa kanyang perjury case so I don’t think meron po siyang poder para magbigay ng komentaryo. Ang dapat po nagsasalita diyan ay myembro po ng Duterte Defense Panel sa impeachment proceedings, hindi po ‘yung abogado para sabihin niya na weakest link si Mr. Madriaga,” paliwanag ni Ridon.

Itutuloy ng House Committee on Justice ang impreachment hearing bukas kung saan inaasahang dadalo si Madriaga at ipiprisinta din ang ilang record na sinubpoena ng komite para bigyang linaw ang akusasyon na unexplained wealth ni Duterte. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here