ISLAMABAD, Pakistan – Lumala ang pangamba sa Middle East matapos mabigo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, kasunod ng higit 20 oras na negosasyon sa Islamabad, Pakistan.
Ayon kay US Vice President JD Vance, hindi naresolba ang malalaking hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng dalawang panig, kaya umalis ang delegasyon ng US at Iran nang walang kasunduan. Hindi rin malinaw kung ipatutupad pa ang dalawang linggong ceasefire.
Habang nangyayari ito, nag-utos si US President Donald Trump ng agarang naval blockade sa Strait of Hormuz, at binalaan na haharangin ang mga barkong magbabayad ng buwis sa Iran at pipigilin ang kita nito sa langis. Nagbabala rin siya: “Any Iranian who fires at us, or at peaceful vessels, will be BLOWN TO HELL!”
Maraming residente sa rehiyon ang nagpahayag ng takot at pangamba sa posibleng panibagong digmaan, habang ang ilan ay nagsabing hindi na sila umaasa pa sa kapayapaan dahil sa matinding hindi pagkakasundo ng dalawang panig.
Sa Iran, sinabi ng ilang mamamayan na umaasa sila noon sa kapayapaan ngunit nauwi sa pagkadismaya, habang may ilan na naniniwalang hindi na maiiwasan ang muling paglala ng labanan.
Sa Saudi Arabia, muling pinaandar ang mga pangunahing energy facilities matapos ang mga naunang pag-atake, ngunit nananatili ang pangamba ng publiko sa posibleng pagbabalik ng gulo.
Sa Lebanon naman, patuloy ang tensyon dahil hindi pa rin malinaw ang epekto ng ceasefire, at ayon sa isang opisyal, maaaring maapektuhan hindi lamang ang rehiyon kundi pati ang buong mundo kung tuluyang mabigo ang usapang pangkapayapaan. RNT/MND