Home NATIONWIDE US nagpatupad ng blockade sa maritime traffic ng Iran

US nagpatupad ng blockade sa maritime traffic ng Iran

102
0

WASHINGTON – Inanunsyo ng U.S. Central Command (CENTCOM) na sinimulan nito ang pagpapatupad ng blockade sa lahat ng maritime traffic na papasok at lalabas sa mga pantalan ng Iran alas-10 ng umaga, oras sa Silangang Amerika, noong Abril 13, alinsunod sa proklamasyon ni Pangulong Donald Trump.

Saklaw ng blockade ang mga Iranian port at coastal areas sa Arabian Gulf at Gulf of Oman, ngunit nilinaw ng CENTCOM na hindi nito haharangin ang mga barkong dumaraan sa Strait of Hormuz patungo at mula sa mga pantalang hindi sakop ng Iran.

Sa pahayag nito, sinabi ng CENTCOM na ang hakbang ay “enforced impartially against vessels of all nations entering or departing Iranian ports and coastal areas.”

Dagdag nito, aabisuhan muna ang mga commercial ship at pinayuhan ang mga sasakyang-dagat sa Gulf of Oman at Strait of Hormuz na bantayan ang maritime broadcasts at makipag-ugnayan sa U.S. naval forces kung kinakailangan.

Sinabi naman ni Trump na may iba pang bansa na nakikipagtulungan sa Estados Unidos upang mapigilan ang Iran sa pagbebenta ng langis, bilang bahagi ng pagdiin sa Tehran matapos mabigong magkasundo ang mga usapan ng U.S. at Iran sa Islamabad, Pakistan.

Iginiit din niya na nananatiling umiiral ang ceasefire at maraming tanker na ang umano’y nagbabago ng ruta upang iwasan ang lugar.

Dumating ang hakbang matapos mabigo ang negosasyon ng Iranian at U.S. delegations at sa gitna ng sigalot na nagsimula noong Pebrero 28.

Ayon sa Reuters, maaaring mapigil ng blockade ang pagpasok sa pandaigdigang merkado ng tinatayang 2 milyong bariles ng Iranian oil kada araw, bagay na muling nagpapataas ng pangamba sa suplay ng enerhiya at presyo ng langis sa buong mundo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here