Home NATIONWIDE PBBM walang kapangyarihan para sa kalos-VAT sa langis

PBBM walang kapangyarihan para sa kalos-VAT sa langis

132
0

MANILA, Philippines – Nilinaw ng Malacañang nitong Lunes na hindi maaaring ipag-utos lamang ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagsuspinde ng value-added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo dahil nangangailangan ito ng batas mula sa Kongreso.

Inihayag ito ni Palace Press Officer Claire Castro matapos manawagan ang ilang business groups, kabilang ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), na alisin ang VAT sa fuel sa gitna ng patuloy na pagtaas ng pandaigdigang presyo ng langis.

“Sa ngayon, wala kasing batas na nagbibigay ng anumang emergency powers para sa Pangulo na siya ay mag-suspend ng VAT sa fuel products. Ito po ay nakasalalay po sa Kongreso,” ani Castro.

Sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law, may 12-percent VAT ang mga produktong petrolyo bukod pa sa excise taxes, na kapwa bumubuo sa malaking bahagi ng pump prices.

Ayon kay Castro, binabalanse ng Pangulo ang pangangailangang makapagbigay ng ayuda sa publiko at ang pangangalaga sa kita ng gobyerno na ginagamit para sa mahahalagang programa tulad ng infrastructure, social services, at targeted subsidies.

“Ang Pangulo po kasi binabalanse po ang lahat… ang buwis din ay kailangan para sa pondo ng gobyerno para mayroon pa pong mga iba pang mga prayoridad,” aniya.

Ipinaliwanag din niya na bagamat may umiiral na batas na nagbibigay sa Pangulo ng kapangyarihang magsuspinde o magbaba ng excise taxes sa petroleum products hanggang Disyembre 31, 2028, wala namang katulad na kapangyarihan para sa VAT suspension.

Ayon sa Palasyo, pinag-aaralan ng administrasyon ang iba pang posibleng tax-related interventions habang nananatiling volatile ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa Middle East. Kabilang sa mga naipatupad na hakbang ng gobyerno ang fuel subsidies para sa public utility vehicle drivers at service contracting programs upang mabawasan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa mga consumer at negosyo. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here