MANILA, Philippines — Mariing kinondena ni Dr. Jose Antonio Goitia ang umano’y pananakot ng mga puwersang Tsino matapos ang isang insidente sa West Philippine Sea na kinasasangkutan ng eroplano ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa ulat, noong Abril 6 ay nagsasagawa ng routine patrol ang PCG aircraft malapit sa Panganiban (Mischief) Reef at Zamora (Subi) Reef nang bigla itong paputukan ng flares ng mga puwersang Tsino—isang hakbang na itinuturing na mapanganib at iresponsable.
Tinawag ni Goitia ang insidente bilang isang malinaw na anyo ng pananakot laban sa Pilipinas, lalo na’t ang naturang operasyon ay bahagi lamang ng lehitimong tungkulin ng bansa na bantayan ang sariling karagatan.
Binigyang-diin niya na walang layuning mang-provoka ang eroplano ng PCG, kundi tiyakin lamang ang seguridad ng mga Pilipinong mangingisda at igiit ang karapatang kinikilala sa ilalim ng pandaigdigang batas.
Babala pa niya, ang ganitong uri ng aksyon ay maaaring magdulot ng mas malalang insidente kung sakaling magkaroon ng pagkakamali sa operasyon.
Hindi rin aniya ito isang hiwalay na kaso, dahil nauna nang nakapagtala ng iba’t ibang insidente ng panggigipit tulad ng paggamit ng water cannon, laser, at mapanganib na maniobra laban sa mga barko ng Pilipinas.
Samantala, kasunod ng insidente ay pinasinayaan ng pamahalaan ang isang bagong Coast Guard base sa Pag-asa Island—isang hakbang na naglalayong palakasin ang presensya at kakayahan ng bansa sa lugar.
Iginiit ni Goitia na ang pagtatayo ng naturang base ay isang lehitimo at tahimik na paraan ng pagpapatibay ng soberanya, at hindi dapat ituring na provokasyon.
“Kapag ang diyalogo ay napapalitan ng panggigipit, hindi na ito simpleng hindi pagkakaunawaan. Ito ay pagtatangkang magdikta, at dapat itong tutulan,” ani Goitia.
Dagdag pa niya, walang bansa na sumusunod sa batas ang dapat ilagay sa panganib ang buhay ng kanilang mga tauhan.
Binigyang-diin din niya na ang Pilipinas ay hindi naghahanap ng gulo, kundi naninindigan lamang sa mga teritoryong saklaw ng kanyang soberanya.
Para kay Goitia, mahalagang ipakita ng bansa ang patuloy na presensya sa West Philippine Sea bilang patunay ng matatag na paninindigan.
“Ang soberanya ay hindi ipinagtatanggol sa salita lamang. Ipinapakita ito sa presensya, sa tapang, at sa paninindigan,” aniya.
Sa huli, iginiit niya na hindi dapat magpasindak ang Pilipinas sa sarili nitong karagatan at patuloy na ipagtanggol ang karapatan nito.
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). May hawak siyang Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA. JAY Reyes