Home TOP STORIES Sunog sa Navotas Landfill, kontrolado na

Sunog sa Navotas Landfill, kontrolado na

135
0

Idineklara ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (NCDRRMO) na wala nang aktibong apoy sa nasunog na nagsarang Navotas Sanitary Landfill Facility (NSLF), ngunit hindi pa ito maaaring ideklarang “fire out” dahil may posibilidad pa ng combustion sa loob o ilalim ng waste mass.

Ayon sa NCDRRMO, alas-12 ng tanghali noong Abril 12, 2026 nang ituring na “controlled” ang sunog dahil matatagpuan ang landfill sa isang isla at hindi ito kakalat sa mga kalapit na komunidad. Gayunman, sinabi ng ahensya na hindi pa rin ito maaaring ideklarang lubos na apula dahil maaari pang may combustion sa loob o ilalim ng waste mass na naaapektuhan ng hangin at init ng panahon.

Sa kabila ng mga pagsisikap sa pag-apula, muling sumiklab ang apoy sa hilagang bahagi ng landfill bandang 5:12 ng hapon.

Nagpapatuloy ang aerial water bucket drop operations ng Philippine Air Force gamit ang dalawang helicopter, gayundin ang ground suppression operations na pinangungunahan ng mga responder mula sa Navotas CDRRMO, Bureau of Fire Protection units mula sa CAMANAVA, LGU Valenzuela, LGU Mandaluyong, Philippine Coast Guard, at PNP-Maritime Group.

Sisimulan na rin ang pagtatambak ng filling materials bilang soil cover upang maputol ang suplay ng oxygen sa waste mass at tuluyang mapahinto ang combustion sa loob ng landfill.

Samantala, bumuti ang Air Quality Index (AQI) sa Navotas pagsapit ng alas-6 ng gabi at bumaba sa katamtamang antas na 60 mula sa 119 noong tanghali. Gayunman, pinayuhan pa rin ang mga Navoteño na magsuot ng face mask at manatili sa loob ng bahay habang hindi pa tuluyang naaapula ang sunog.

Inatasan na rin ni Mayor John Rey Tiangco ang Navotas City Health Office na magpadala ng DRRM-H Team sa Obando National High School upang iassess ang sitwasyon at bigyan ng lunas ang mga evacuee na nangangailangan ng medikal na atensyon.

Namahagi rin ang NCDRRMO ng CAMPOLAS Plus Kit at mahigit 2,000 face mask bilang bahagi ng pakikipag-ugnayan ng LGU Navotas sa LGU Obando at iba pang karatig na lokal na pamahalaan kaugnay ng posibleng epekto ng usok sa kanilang mga residente.

“Makakaasa tayo na ang ginagawang pagkilos ng lokal at nasyonal na pamahalaan katulong ang pribadong sektor ay hindi titigil hangga’t hindi lubusang napapatay ang apoy at maiwasan ang muling pagsiklab nito,” ani Mayor Tiangco. Jojo Rabulan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here