MANILA, Philippines – Upang suportahan ang mga magsasaka at pamayanang katutubo nagsanib-puwersa ang Department of Agrarian Reform (DAR) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) upang ipatupad ang Value Chain Innovation for Sustainable Transformation in Agrarian Reform Communities (VISTA) Project.
Pinagtibay ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na ginanap sa Emancipation Lounge, DAR Main Building sa Quezon City.
Ayon sa DAR ang anim na taong proyekto (2025–2030) ay inaasahang makikinabang ang humigit-kumulang 80,000 sambahayan, kabilang ang 24,800 katutubo o 30 porsyento ng mga benepisyaryo.
Saklaw ng proyekto ang mga upland areas sa Cordillera Administrative Region (CAR) sa Luzon at Region XII (SOCCSKSARGEN) sa Mindanao, na may 112 agrarian reform communities (ARCs) sa 10 lalawigan.
Layunin ng VISTA Project na palakasin ang kabuhayan sa mga komunidad habang tinitiyak na aktibong nakikilahok ang mga katutubo at iginagalang ang kanilang kultura, tradisyon, at karapatan.
Kaugnay nito ayon kay DAR Secretary Conrado M. Estrella III, mahalaga ang proyektong ito sa pagsusulong ng inklusibong pag-unlad.
“Tinitiyak ng proyektong ito na ang mga katutubo ay hindi lamang kalahok kundi tunay na benepisyaryo, habang iginagalang ang kanilang karapatan at tradisyon,” ani Estrella.
Samantala, sinabi ni NCIP Chairperson Nancy Catamco na ang VISTA Project ay patunay ng matibay na pagtutulungan ng DAR at NCIP upang maisulong ang inklusibong pag-unlad sa kanayunan at mapalakas ang kakayahan ng mga pamayanang katutubo.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DAR ang mangangasiwa sa pamamahala ng proyekto, magbibigay ng suporta sa NCIP, at titiyakin na makukuha ang Free and Prior Informed Consent (FPIC) bago magsimula ang anumang gawain sa lupang ninuno. (Santi Celario)