MANILA, Philippines – NAGPAHAYAG ng pasasalamat si Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso kay Batangas 1st District Representative Leandro Legarda-Leviste at sa mga mamamayan ng Batangas matapos matanggap ng Lungsod ng Maynila ang donasyong 4,000 sako ng bigas noong Martes, Abril 14.
Ayon kay Rep. Leviste, ang naturang donasyon na tig-25 kilo bawat sako ay kanyang personal na ambag at walang anumang gastos mula sa pamahalaan.
Aniya, ito ay bilang pasasalamat sa mainit na pagtanggap ng Maynila sa mga Batangueñong isang linggong nanatili sa Liwasang Bonifacio.
“Bilang pasasalamat sa pagtanggap ng Maynila sa mga Batangueñong isang linggo nang nasa Liwasang Bonifacio, nagbigay po ako sa Lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno, ng personal kong donasyon na 4,000 sako ng tig-25 kilong bigas, na walang anumang gastos mula sa gobyerno,” pahayag ni Leviste.
Pinuri rin ng mambabatas ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pagbubukas ng kanilang mga “freedom parks” para sa mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nagpasalamat din siya sa patuloy na pagpapanatili ng kalinisan, kaayusan, at kaligtasan sa mga pampublikong lugar.
“Pinapahintulutan ng Lungsod ng Maynila ang mga Pilipino mula sa iba’t ibang panig ng bansa na gamitin ang kanilang mga ‘freedom parks,’ at taos-puso kaming nagpapasalamat sa kanilang pagpapanatiling malinis, maayos, at ligtas ang mga ito,” dagdag pa niya.
Tiniyak din ni Leviste ang suporta ng mga Batangueño sa pagsusulong ng pagbaba ng value-added tax (VAT) at sa pagpapalakas ng tugon ng pamahalaan sa krisis sa presyo ng langis.
Samantala, ipinaabot ni Mayor Domagoso ang pasasalamat at pagbati kay Senator Loren Legarda, ina ni Rep. Leviste, at pinuri ang pagpapalaki nito sa kanyang anak na may malasakit sa kapwa.
“I would like to send our regards to Senator Loren Legarda. Ipinagpalaki ninyo nang maayos ang inyong anak; naging mabuti siya sa kapwa,” ani Domagoso.
Ipinahayag din ng alkalde ang kasiyahan at pasasalamat ng lungsod sa natanggap na donasyon, na aniya’y simbolo ng pagkakaisa at pagtutulungan, lalo na sa gitna ng mga hamon.
Nagpasalamat din siya kay Rep. Leviste at sa mga mamamayan ng Batangas sa ipinakitang kabutihang-loob para sa mga Manileño.