BULACAN, Philippines – Patay ang isang holdaper nang manlaban sa mga tanod na nagpapatrulya sa bayan ng Santa Maria nitong madaling araw ng Abril 16.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, bandang 2:20 ng madaling araw ay naghahanda ang mga tanod para magsagawa ng patrol operation nang dumating ang dalawang indibiduwal lulan ng motorsiklo sa harap ng Brgy. Hall Balasing.
Ayon sa ulat, ang dalawa ay tinangkang holdapin ng dalawang lalaking sakay ng itim na motorsiklo subalit maya-maya pa’y namataan at dumating ang mga ito mula sa direksyon ng Brgy. Sapang Palay.
Agad pinara ng mga tanod ang mga suspek at inutusang patayin ang makina ng kanilang motorsiklo subalit bumunot ng baril ang back rider at itinutok sa mga tanod.
Dahil dito, mabilis na hinampas ng Deputy EX-O Brgy. Tanod na isang retiradong pulis ang kamay ng armadong suspek gamit ang baton na nagresulta ng komosyon at agawan ng baril.
Sa kasagsagan ng kaguluhan, pumutok ang baril na tumama sa back rider na nakasuot ng itim na jacket at tribal shorts na ikinamatay nito habang mabilis na tumakas ang driver patungo sa direksyon ng Sapang Palay.
Narekober sa lugar ang kalibre .45 na pistola, dalawang fired cartridge cases at dalawang pares ng tsinelas.
Samantala agad naman naglabas ng flash alarm ang kapulisan sa Bulacan Tactical Operations Center at mga kalapit na lungsod at munisipalidad para sa agarang pagtunton at pagaresto sa tumakas na suspek na nakasuot ng khaki jacket at lulan ng motorsiklo. (Dick Mirasol III)