Home NATIONWIDE Foreign funding ni VP Duterte noong 2022, posibleng election offense

Foreign funding ni VP Duterte noong 2022, posibleng election offense

96
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Manila Rep. Joel Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability, na maaaring makasuhan ng election offense si Vice President Sara Duterte kung mapapatunayang pinondohan ng mga Chinese nationals na may kaugnayan sa Pharmally ang kanyang 2022 campaign.

Ayon kay Chua, malinaw sa Section 81 ng Omnibus Election Code na ipinagbabawal ang donasyon mula sa mga dayuhang indibidwal sa kampanya ng sinumang kandidato. Ipinagbabawal din sa Section 96 ang pagtanggap ng kandidato o partido ng ganoong pondo, direkta man o hindi.

“Kapag napatunayang dayuhan ang mga nag-ambag sa kampanya, malinaw na may isyu ng (If proven that foreign nationals contributed to the campaign, it’s clear that there is) culpable violation of the Constitution,” ani Chua.

“Ang nakikita ko rito ay posibleng election offense, dahil may distribution na naganap. Kailangan nating alamin kung ang mga sangkot ay Chinese citizens. Kung sila ay foreign nationals at hindi Pilipino, malinaw na may paglabag sa election code,” dagdag niya.

Binanggit din ni Chua na hiwalay na usapin kung naideklara ba ang naturang donasyon sa Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).

Ayon sa alegasyon ni Ramil Madriaga, umano’y “bagman” ni Duterte, nakatanggap siya ng milyon-milyong piso mula sa mga negosyanteng sina Lin Weixiong at magkapatid na Michael at Tony Yang, na umano’y may kaugnayan sa Pharmally at POGO operations.

Ayon pa kay Madriaga, ginamit ang pera sa campaign activities ng Initiative for Social Justice, Innovation, and Progress Pilipinas (ISIP), isang nonprofit group na aniya ay orihinal na nangangahulugang “Inday Sara is my President.”

Sinabi rin niyang inutusan siya na mangalap ng pondo mula sa mga kaalyado at suportado, kabilang ang umano’y ₱175 milyon mula kay Wei Xiong at ₱100 milyon mula kay Lim, na ginamit sa campaign operations, merchandise, travel, accommodations, at iba pa.

Ayon kay Chua, bukas ang House committee na pakinggan ang panig ng kampo ni Duterte sa impeachment hearings.

“If the Vice President wants to submit an affidavit or any evidence she deems necessary to deny the claims, she may do so freely, and the panel will take it into consideration,” aniya.

Sa ngayon, hindi pa dumadalo si Duterte sa mga pagdinig at nananatiling nakatuon ang kanyang kampo sa mga petisyon sa Korte Suprema para pigilan ang impeachment proceedings. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here