MANILA, Philippines – Tinawag ng isang mataas na opisyal ng Philippine Navy (PN) na bahagi ng “deceptive messaging” ang patuloy na pagdedeny ng China sa insidente ng cyanide sa paligid ng BRP Sierra Madre (LS-57) sa Ayungin Shoal, West Philippine Sea (WPS), nitong Huwebes.
Ayon kay PN spokesperson for the WPS Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, inaasahan na ng Pilipinas ang ganitong pagtanggi mula sa China.
“What do we expect? Aaminin nila? Lahat naman ng ito part ng ‘deceptive messaging’ nila ito,” ani Trinidad sa isang panayam.
Dagdag niya, ang mga impormasyong inilalabas ng Pilipinas sa pamamagitan ng transparency initiative ay patuloy umanong kinokontra ng China.
Nilinaw din ni Trinidad na hindi gumagawa ng imbentong kwento ang Pilipinas.
“We are not in the process of fabricating information, what we are bringing out to the public, ito ay totoo,” aniya.
Ayon sa Philippine Navy, ang mga bote ng cyanide ay nakumpiska noong nakaraang taon, ngunit isinapubliko lamang matapos makumpleto ang imbestigasyon.
Sinabi rin ng isang opisyal ng National Security Council na ang mga naturang bote ay nasamsam mula sa mga Chinese sampan noong Pebrero 2025 at Oktubre 24, 2025.
Ayon sa PN, layunin ng paglalantad ng insidente na ipakita sa publiko ang umano’y ginagawa ng China sa mga karagatang sakop ng Pilipinas, kabilang ang malawakang pinsala sa coral reefs sa lugar. RNT/MND