MANILA, Philippines – Arestado ang anim na tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at isang driver dahil sa umano’y pagkakasangkot sa smuggling ng sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P3 milyon sa isang operasyon sa Misamis Oriental nitong Biyernes, Abril 17, ayon sa Philippine National Police (PNP).
Isinagawa ang operasyon sa PCG sub-station sa tabing dagat ng Purok 5, Poblacion, Naawan, Misamis Oriental.
Nahuli sa akto ang mga suspek habang nagbababa ng mga kahon ng umano’y smuggled na sigarilyo mula sa isang fishing vessel papunta sa isang Mitsubishi L300 van.
Sinabi rin ng PNP na ang mga suspek ay nakatalaga sa iba’t ibang PCG stations, kabilang ang Southwestern Northern Mindanao, Sub-Station Laguindingan, Sub-Station Lugait, Sub-Station Libertad, at El Salvador City Station.
Nasamsam sa operasyon ang kabuuang 205 master cases ng sigarilyo na nagkakahalaga ng P3,075,000 at ang transport vehicle.
Ayon sa PNP, ang lahat ng nakumpiskang items ay isusuko sa Bureau of Customs para sa tamang disposisyon, habang ang mga suspek ay nasa kustodiya ng PNP Maritime Unit ng Misamis Oriental para sa dokumentasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Sinabi ni PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez na makikipag-ugnayan siya sa PCG upang masigurong matanggal sa serbisyo ang mga sangkot at mapanagot sila sa batas.
Aniya, hindi makatarungan ang kanilang pagkakasangkot sa ilegal na gawain.
Dagdag pa, magtutulungan ang PNP at PCG upang tukuyin ang lahat ng iba pang sangkot sa ilegal na operasyon, at isang ulat tungkol sa insidente ang naipasa na sa PCG para sa masusing imbestigasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden