MANILA, Philippines – Naghain ng panukalang batas si Manila Representative Joel Chua na naglalayong ibalik ang kapangyarihan ng pamahalaan na makialam sa presyo ng langis, upang maprotektahan ang mga mamimiling Pilipino laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa ilalim ng House Bill No. 8839 o ang “Fuel Price Stabilization and Energy Security Act,” iminungkahi ang paglikha ng Fuel Regulatory Board, Oil Price Stabilization Fund, at Strategic Fuel Reserve bilang bahagi ng mas malawak na hakbang upang matugunan ang pabagu-bagong presyo ng langis at posibleng kakulangan sa suplay.
Ayon kay Chua, layunin ng panukala na baguhin ang umiiral na sistema sa ilalim ng Oil Deregulation Law of 1998, kung saan limitado ang kakayahan ng gobyerno na kontrolin ang presyo ng langis.
“Sa kasalukuyang kalakaran, kapag sumirit ang presyo ng langis sa world market, diretso agad ang epekto nito sa bulsa ng mga Pilipino. Halos walang magawa ang gobyerno,” ani Chua.
Sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang limang-kataong Fuel Regulatory Board na may kapangyarihang magtakda ng price ceiling o price band sa langis, at magsiyasat laban sa anti-competitive practices sa industriya.
Isa sa mahahalagang bahagi ng panukala ang pagbuo ng bagong Oil Price Stabilization Fund, na gagamitin upang maibsan ang epekto ng biglaang pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ipinaliwanag ni Chua na maaaring gamitin ang pondo kung ang inaasahang pagtaas ng presyo ng gasolina o diesel ay aabot sa antas na malaki ang magiging epekto sa mga mamimili.
“Halimbawa, kung tataas ng P5 kada litro ang presyo ng langis, maaaring gamitin ang pondo upang mapababa ang magiging dagdag-presyo sa mga motorista,” aniya.
Dagdag pa niya, ang ganitong mekanismo ay makatutulong hindi lamang sa mga motorista kundi maging sa kabuuang ekonomiya, dahil direktang naaapektuhan ng presyo ng langis ang pamasahe, presyo ng bilihin, at kabuhayan ng mamamayan.
Iminungkahi rin sa panukala ang pagtatatag ng Strategic Fuel Reserve, kung saan bibili ang pamahalaan ng langis kapag mababa ang presyo nito sa pandaigdigang merkado at iimbakin para magamit sa panahon ng krisis.
“Kapag may nakaimbak tayong sapat na suplay, maiiwasan ang panic-driven price increases at masisiguro ang tuloy-tuloy na suplay ng langis,” paliwanag ni Chua.
Sa ilalim ng panukala, ang pagpapalabas ng reserbang langis ay aaprubahan ng Pangulo batay sa rekomendasyon ng Fuel Regulatory Board, habang ang Commission on Audit ang magsisiyasat sa paggamit ng pondo.
Binigyang-diin ni Chua na mahalagang magkaroon ng sapat na mekanismo ang bansa upang hindi lubusang umasa sa galaw ng pandaigdigang merkado.
“Hindi tayo dapat laging nakadepende sa global market. Kailangan may kakayahan ang gobyerno na kumilos upang protektahan ang mamamayan,” dagdag pa ni Chua.
Iginiit pa ni Chua na ang panukala ay isang malaking pagbabago mula sa umiiral na polisiya ng ganap na deregulasyon, at nakatuon sa consumer protection, economic stability, at energy security kaya umaasa syang susuportahan ito ng kanyang kapwa mambabatas. Gail Mendoza