Home NATIONWIDE Dalawang puganteng Hapon arestado sa magkahiwalay na operasyon

Dalawang puganteng Hapon arestado sa magkahiwalay na operasyon

94
0

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga awtoridad ang dalawang high-value Japanese fugitives sa magkahiwalay na operasyon nitong Huwebes, Abril 16, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Isinagawa ang operasyon ng Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit sa pakikipagtulungan sa Philippine National Police Intelligence Group, Philippine Air Force, Armed Forces of the Philippines, at PAOCC noong Abril 16 sa Mandaluyong at Maynila.

Ayon sa PAOCC, unang nadakip si Sato Taiki bandang alas-5 ng hapon sa Mandaluyong City sa bisa ng deportation warrant na inilabas noong Marso 28, 2023.

Sinabi ng mga awtoridad na si Taiki ay miyembro ng “Luffy Group,” isang organisasyong sangkot umano sa serye ng mga kaso ng pagnanakaw sa Japan mula 2021 hanggang 2023.

Kabilang dito ang isang insidente sa Tokyo kung saan nasawi ang isang 90-anyos na biktima.

Batay sa tala, ilan sa mga senior members ng naturang grupo ay na-deport na rin mula sa Pilipinas noong 2023.

Samantala, inaresto naman si Masayuki Aoyagi bandang alas-6:20 ng gabi sa Maynila alinsunod sa deportation warrant na inilabas noong Oktubre 25, 2025.

Iniugnay si Aoyagi sa JP Dragon Syndicate, isang grupo ng mga dating Yakuza affiliates na umano’y sangkot sa telecom fraud operations.

Target umano ng grupo ang mga matatandang biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap at online scams.

Kapwa dinala ang dalawang suspek sa Bureau of Immigration Warden Facility habang inihahanda ang kanilang deportation sa koordinasyon sa mga awtoridad ng Japan.

Ayon kay PAOCC Executive Director Undersecretary Benjamin Acorda Jr., ipinapakita ng matagumpay na operasyon ang mas pinaigting na intelligence-sharing sa pagitan ng mga ahensya.

“Nanatili kaming matatag sa aming pangakong buwagin ang mga transnational criminal networks,” ani Acorda.

Binigyang-diin din ng mga awtoridad na hindi magiging kanlungan ang Pilipinas ng mga dayuhang pugante at patuloy silang makikipagtulungan sa mga international partners laban sa transnational crime. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here