MANILA, Philippines – Ibinunyag ni dating DPWH Engr. Henry Alcantara, isang state witness, na ang pinakamalaking halaga na naihatid niya sa staff ni dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co ay P800 milyon.
Ginawa niya ang pahayag na ito sa Sandiganbayan Third Division noong bail hearing nina dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at mga kasamahan nito sa kasong malversation.
Sinabi ni Alcantara na nagkaroon siya ng “ilang deliveries” kay Co sa Lady Bug Street, Valle Verde, kung saan matatagpuan umano ang tirahan nito.
Ayon kay Alcantara, nagbigay siya ng 25% kickback mula sa tinatayang P6 hanggang P8 bilyong budget para sa kanyang distrito sa ilalim ng General Appropriations Act ng 2023.
Si Co, na dating namuno sa makapangyarihang House Committee on Appropriations, ay nagbitiw bilang kinatawan noong Setyembre 2025 kasunod ng multibillion flood control corruption scandal.
May nakabinbing kaso rin siya sa Sandiganbayan para sa graft at malversation kaugnay ng umano’y substandard na proyekto sa Naujan, Oriental Mindoro. Jocelyn Tabangcura-Domenden