HABANG sinisikap ng Senado na maayos ang pagdinig at pagbusisi sa lumalalang krisis sa langis, isang mas mabigat na tanong ang unti-unting lumulutang sa isip ng publiko: nasaan ang Department of Energy sa panahon ng pangangailangan?
Sa bawat pagtaas ng presyo ng krudo, gasolina, at kerosene o gaas, hindi lamang numero sa price board ang gumagalaw. Kasabay nitong tumataas ang pasahe, presyo ng pagkain, gastos at araw-araw na pasanin ng karaniwang Pilipino.
Hindi nagkamali ang sapantaha ng ilang beteranong marino na may malawak na karanasan sa larangan ng oil exploration na ginawa sa mga bansang mayayaman sa langis.
Matagal na nilang ipinunto na may potensyal na pinagkukunan ng langis sa ilang bahagi ng bansa, kabilang ang lugar Northwest Busuanga Palawan.
Ayon kay Captain Ramy Panagsagan, isang beteranong manggagawa sa ibang bansa, labis ang kanilang pagtataka sa pananahimik ng ahensya sa kabila ng sulat mula sa Malacañang kaugnay sa nasabing lugar kung saan natuklasang may nakaimbak o may potensyal na deposito ng langis.
Batay sa dokumentong nagmula sa Malacañang sa pamamagitan ni Panagsagan, may sapat na batayan upang ang usaping ito ay magalang na maiparating sa DOE para sa kaukulang atensyon, pagsusuri, at naaangkop na aksyon ni Secretary Sharon S. Garin.
Ang nasabing dokumento na may petsang Oktubre 3, 2025 na inakda ni Mary Lyn Charisse A. Lagamon, Presidential Assistant I, dapat na bigyang pansin ang isyu.
Bukod sa sulat ng Malacanang inirekomenda rin ng Department of Environment and Natural Resources sa DOE na tinanggap at may lagda ni Atty Rino Abad, Director ng Energy Resource Development Bureau, na interesado sa proposal ni Panagsagan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring nangyayari.
Kung patuloy na magpaliliban ng aksyon, tiyak na hindi makatatakas si Garin sa matinding batikos ng media at publiko, dahil malinaw sa lahat na ang kabagalan ng kanyang tugon ay nagdudulot ng dagdag na pasanin sa mamamayan.
Lubos na ikinasiya ng publiko ang naging aksyon ni Senador Loren Legarda na inilagay sa prayoridad ang lumalalang suliranin, upang sa ganitong paraan ay matiyak na kahit paano ay mararanasan ng mga susunod na henerasyon ang ginhawa at katiwasayan.






