NAGLABAS ng pahayag si Anthony Aberin na dapat daw may “common sense” at “compassion” ang mga pulis sa pagpapatupad ng Safer Cities Initiative. Maganda pakinggan—pero sa totoong buhay, parang biro na may kasamang insulto.
Bakit? Kasi habang sermon siya ng sermon tungkol sa awa at pag-unawa, may mga pulis naman sa kalsada na parang wala ni katiting na pakiramdam. Katulad ng insidente sa Mandaluyong—isang ordinaryong manggagawa, bilad sa init, naghahalo ng semento para kumita, pero sinita pa. Anong klaseng “common sense” ‘yan? Hindi ba halata na naghahanap-buhay lang ‘yung tao? O sadyang bulag-bulagan na lang?
Ang mas matindi, habang pinapairal ang higpit sa maliliit na tao, ang tanong ng marami: nasaan si Aberin kapag may kalokohan sa loob mismo ng hanay? Ayon sa ilang pulis, bihira raw makita ang direktor kapag may problema. Pero pagdating sa polisiya—ang bilis magpakitang-gilas.
At ‘yung tinatawag niyang AAA policy—Able, Active and Allied? Aba, sa hanay daw ng kapulisan, iba ang basa: “Akin, Akin, Akin.” Masakit pakinggan, pero ‘yan ang bulong-bulungan. May alegasyon pa na pati operational funds ng mga opisina, kinakaltasan. Samantalang siya raw, tuloy ang umano’y pagpasok ng milyon-milyon—galing sa pondo, at sabi pa, pati sa mga iligal na koleksyon ng mga tauhan.
Kung totoo ang mga ‘yan, aba’y hindi lang kakulangan sa compassion ang problema—garapalan na ‘yan. Parang sinasabi sa publiko: mahigpit kami sa mahihirap, pero tikom ang bibig sa malalaking isda.
Hindi tutol ang taumbayan sa disiplina. Kailangan ‘yan. Pero kung ang implementasyon ay paurong—mahina sa taas, malakas mang-api sa baba—wala ring saysay. Ang batas, hindi dapat ginagamit para mang-trip o mang-power trip.
Kung seryoso si Aberin sa sinasabi niyang “common sense,” baka dapat simulan niya sa sarili at sa kanyang hanay. Dahil sa mata ng publiko, hindi sapat ang maganda ang salita. Ang kailangan: malinaw, patas, at malinis na aksyon—hindi puro paandar habang may naamoy na baho sa likod.






