MANILA, Philippines – Tinawag ni House Deputy Speaker La Union 1st district Rep. Paolo Ortega V si detainee Ramil Madriaga bilang posibleng “star witness” sa inaasahang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay Ortega, mas tumitibay umano ang kredibilidad ni Madriaga dahil handa siyang buksan ang kanyang sariling bank accounts at ipasuri ang mga transaksyon nito.
“Napaka-credible ng witness na walang itinatago. The fact na kaya at willing si Mr. Madriaga na mag-tell all at mag-open all, ibig sabihin ay kaya niyang patunayan ang lahat ng kanyang sinasabi. Kusa na siyang nagpapasilip ng kanyang mga bank accounts, and this is a really good test of his credibility,” saad ni Ortega.
Dagdag niya, kung matutuloy ang impeachment sa Senado, maaaring maging “star witness” si Madriaga dahil sa laman ng kanyang affidavit at supplemental affidavit, lalo na kung mapapatunayan sa bank records ang kanyang mga alegasyon.
“At kapag ang impeachment laban kay VP Duterte ay umabot sa Senado dahil sa mga isiniwalat ni Mr. Madriaga, siguradong star witness na siya. Madami siyang sinabi sa kanyang affidavit at supplemental affidavit na kapag napatunayang tama o credible ng kanyang bank records, instant star witness na talaga,” aniya.
Noong Abril 14, humarap si Madriaga sa House Committee on Justice para sa imbestigasyon sa mga reklamo ng impeachment. Dito rin niya nilagdaan ang waiver ng bank secrecy rights.
Inakusahan niya na siya ay ginamit umano bilang “dummy” account holder noong administrasyong Duterte, kung saan ang mga bank account sa kanyang pangalan ay ginamit sa mga transaksyong hindi niya kontrolado.
Sinabi rin niya na hindi siya mismo ang nagbukas ng mga account at ang mga ito ay ginamit umano para sa “intelligence operations” at money laundering. Ang mga account ay nasa Makati City, Pasig City, at Lubao.
Ayon pa kay Madriaga, pinapirma siya sa mga blankong tseke at dumaan ang milyong piso sa mga account na iyon.
Iginiit din niya na direkta siyang empleyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte, na tumatanggap ng sahod na P100,000 hanggang P150,000 kada buwan sa cash.
Dagdag pa niya, inutusan umano siya ng dating pangulo na kumuha ng P100 milyon mula sa bangko sa Lubao, Pampanga para dalhin sa Malacañang, at may dalawang Landbank manager’s checks din umano na inisyu sa kanyang pangalan para sa isang safehouse sa Quezon City. RNT/MND