ISLAMABAD, Pakistan – Sinabi ng Iran na may progreso sa usapan nito sa United States, ngunit nananatili ang malaking agwat sa mga isyu tulad ng nuclear program at kontrol sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Iran chief negotiator Mohammad Baqer Qalibaf, “We have had progress but there is still a big distance between us,” at may ilang isyu na ipinagpipilitan ng bawat panig dahil sa kani-kanilang “red lines.”
Samantala, sinabi ni U.S. President Donald Trump na may “very good conversations” ang dalawang bansa, ngunit hindi nagbigay ng detalye.
Sa gitna nito, muling isinara ng Iran ang Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng langis sa mundo, bilang tugon umano sa patuloy na blockade ng US sa kanilang mga daungan. Tinawag naman ito ni Trump na “blackmail” at nagbabala na maaaring muling maglunsad ng pag-atake kung walang kasunduang mararating bago matapos ang ceasefire.
Ang digmaan na nagsimula noong Pebrero 28 ay umabot na sa walong linggo, nagdulot ng libo-libong pagkamatay, at nakaapekto sa presyo ng langis dahil sa pagsasara ng strait na dinaraanan ng malaking bahagi ng oil shipments sa mundo.
May ulat din na may dalawang barko ang inatake habang sinusubukang dumaan sa strait, na nagdulot ng pag-aalala sa seguridad ng shipping sa rehiyon.
Sa nakaraang negosasyon, iminungkahi ng US ang 20-taong pagtigil sa nuclear activities ng Iran, habang nag-alok naman ang Iran ng 3 hanggang 5 taon lamang.
Sa ngayon, wala pang takdang petsa para sa susunod na pag-uusap, habang patuloy ang tensyon at kawalang-katiyakan sa rehiyon, lalo na’t daan-daang barko at libu-libong seafarers ang stranded habang hinihintay ang muling pagbubukas ng strait. RNT/MND