BULACAN, Philippines – Arestado ang 62 anyos na magsasaka matapos pagbabarilin ang kapwa niya senior citizen sa bayan ng Angat nitong umaga ng Abril 18.
Sa ulat ni PMAJ Joel Alba, Acting chief of police ng Angat police station, kinilala ang suspek na si alyas “Fred” residente ng Gulod Central habang ang biktima ay si alyas “Chito”, 61, jobless ng Brgy. Sulucan.
Ayon sa ulat ng Angat police station, naganap ang insidente bandang 8:00 ng umaga sa Tubao 2 Road, Brgy. Sulucan.
Nabatid na isang tawag ang natanggap ng istasyon mula sa saksi na may nangyaring pamamaril sa nabanggit na lugar.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Alba sa kanyang mga tauhan na tumungo sa lugar para beripikahin ang impormasyon.
Napagalamang agad dinala ng mga rumespondeng tauhan ng Angat MDDRMO ang biktima sa Norzagaray Municipal Hospital para sa medical treatment subalit binawian na ito ng buhay.
Mabilis naman nahuli sa follow up operation ng mga pulis ang suspek na nahaharap sa kasong murder habang nasa kustodiya ng nasabing istasyon.
Sinasabing apat na tingga ang tumama sa ibat-ibang parte ng katawan ng biktima na nasa loob ng tricycle mula sa baril ng suspek dahil lamang umano sa matinding selos. (Dick Mirasol III)