LOUISIANA, USA – Walong bata ang nasawi sa isang pamamaril noong Linggo ng umaga sa Shreveport, Louisiana, USA, sa isang insidenteng pinaniniwalaang may kaugnayan sa domestic violence, ayon sa pulisya.
Ayon sa ulat, naganap ang pamamaril bandang alas-6 ng umaga at itinuturing na pinakamadugong mass shooting sa United States sa loob ng mahigit dalawang taon, batay sa datos ng Gun Violence Archive.
Ang suspek, isang lalaking nasa hustong gulang na hindi pa pinapangalanan, ay napatay ng pulis matapos ang habulan gamit ang sasakyan. Sinabi ng mga awtoridad na siya lamang ang nagpaputok ng baril sa mga lugar ng insidente.
Ayon kay Police Corporal Chris Bordelon, “some of the children inside were his descendants,” at ang crime scene ay sumaklaw sa tatlong bahay na kasalukuyang iniimbestigahan.
Ang mga biktima ay may edad mula 1 hanggang 14 taong gulang. Dalawa pang tao ang nasugatan sa pamamaril, ngunit hindi pa malinaw ang kanilang kalagayan.
Iniulat din na ang suspek ay nang-carjack ng sasakyan bago ang habulan, at walang pulis na nasaktan sa operasyon.
Patuloy ang imbestigasyon habang hinihintay ang pormal na pagkilala sa mga biktima at pag-abiso sa kanilang mga pamilya. RNT/MND