MANILA, Philippines – Nasapol ng bala ang isang 16 anyos na binatilyo matapos mapadaan sa isang kaguluhan nang magpaputok ang isang rider sa isang grupo ng kabataan sa basketball court kahapon ng umaga, Abril 19 sa Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang suspek na si alyas “Banjo”, residente ng Maya-Maya St. Phase 3-E2, Brgy., Longos.
Batay sa ulat, dakong alas-4:00 ng madaling araw nang dumating ang suspek na sakay ng motorsiklo sa isang basketball court sa Block 8, Pampano St., Brgy. Longos at pagbaba ay kaagad pinaputukan ang grupo ng kabataan.
Nagkataong napadaan sa lugar ang 16-anyos na biktimang si alyas “JDB” nang mahagip siya ng bala sa bahagi ng katawan habang hindi naman tinamaan ng bala ang 16-anyos ding si alyas “Jaycee” na siyang target umano ng suspek sa pamamaril.
Kaagad isinugod ang biktima sa Tondo Medical Center para magamot habang agad namang nagsagawa ng follow up operation ang mga tauhan ng Malabon Police sa pangunguna ni ACOPO PLTCOL Remedios Terte na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na positibong kinilala ni ‘Jaycee’ na kanilang nakaalitan sa isang resort sa Caloocan City.
Posible umanong inabangan ng suspek ang nakaalitang kabataan sa basketball court na sa kasamaang palad ay nadamay ang menor-de-edad ding biktima.
Isinailalim na sa ballistic examination at cross matching ng NPD Forensic Unit ang nakumpiskang kalbire .45 baril, magazine na may limang bala sa suspek, pati na ang nakuhang tingga na bumaon sa katawan ng biktima. Merly Duero