Home OPINION PAGLAPASTANGAN SA MAMAMAYAN NG BORACAY

PAGLAPASTANGAN SA MAMAMAYAN NG BORACAY

120
0

HINDI na simpleng usapin ng imprastraktura ang kontrobersyal na Boracay Bridge. Sa halip, ito ay naging malinaw na halimbawa ng labanan sa pagitan ng kapangyarihan ng pambansang ahensya at ng boses ng lokal na pamahalaan.

Sa kabila ng matinding pagtutol, itinulak ng Department of Public Works and Highways ang P7.78-bilyong proyekto at iginawad ito sa San Miguel Holdings Corp..

Ang mas mabigat na tanong—paano ito naaprubahan kung wala namang malinaw na basbas mula sa Malay municipal government at Aklan provincial government?

Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, ang proyekto ay dumaan sa public-private partnership. Ngunit para sa mga lokal na opisyal, hindi ito sapat na katwiran upang lampasan ang proseso ng konsultasyon at pag-apruba.

Diretsahang kinuwestiyon ng mga residente ang ligalidad ng hakbang kung anong probisyon ng batas ang ginamit para malampasan ang lokal na pamahalaan?

Hindi rin maikaiila na may malinaw na karapatan ang lokal na pamahalaan. Noong Oktubre 2024, nagpasa ng resolusyon ang Sangguniang Bayan ng Malay na nagsasabing wala silang natanggap na pormal na proposal mula sa SMHC. Sinundan pa ito ng resolusyon ng Aklan provincial board noong 2025 na nagsasaad na wala umanong isinagawang public consultation.

Kung gayon, saan nanggaling ang tinatawag na “approval”? Maliwanag na naisahan ang naapektuhang mamamayan sa mga nangyari.

Mas lalong lumalalim ang usapin kapag isinaalang-alang ang epekto nito sa kalikasan at turismo. Sa Resolution No. 193, Series of 2025, nagbabala ang provincial board na ang tulay ay maaaring makasira sa natatanging ganda ng Boracay—isang isla na kinikilala sa buong mundo dahil sa puting buhangin at yamang-dagat nito.

Hindi maikaiila na mahalaga ang imprastraktura sa pag-unlad. Ngunit ang tunay na kaunlaran ay hindi lamang nasusukat sa bilis ng biyahe o laki ng proyekto. Nasusukat din ito sa respeto sa proseso, sa pakikinig sa komunidad, at sa pangangalaga sa kalikasan.

Kung ang mga prinsipyong ito ay isasantabi, ano ang matitira?

Sa huli, malinaw ang tanong: Kaunlaran ba ito—o tahasang pagbalewala sa boses ng lokal at kinabukasan ng Boracay?

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here