Home METRO Bodega ng pintura sa Valenzuela, nasunog

Bodega ng pintura sa Valenzuela, nasunog

106
0

MANILA, Philippines – Nasunog ang isang bodega ng pintura sa Barangay Malanday, Valenzuela City noong Lunes ng gabi, Abril 20, na nagdulot ng malakas na apoy at serye ng mga pagsabog sa lugar.

Bandang alas-6 ng gabi nang magsimula ang sunog na agad itinaas sa ikalawang alarma. Inabot ng humigit-kumulang walong oras bago tuluyang maideklarang fire under control ang insidente, pasado alas-2 ng madaling araw ng Martes, dahil sa mga materyales na highly flammable na nakaimbak sa loob ng bodega.

Mahigit 80 fire truck ang rumesponde sa lugar upang apulahin ang apoy na pinalala ng mga kemikal sa loob ng establisimyento.

Ayon kay Fire Senior Inspector Steven Olitoquit, Chief Operations ng Bureau of Fire Protection (BFP) Valenzuela, naging lubhang mapanganib at mahirap ang operasyon dahil sa presensya ng mga kemikal.

“May mga flammable liquid na involved. Challenge po natin ay ‘yung mga sumasabog na pintura sa loob,” ani Olitoquit.

Sa kabila ng lakas ng sunog, ligtas na nakalikas ang isang pamilya na may pitong miyembro. Tumanggi naman ang may-ari ng bodega na magbigay ng pahayag hinggil sa insidente.

Nabulabog din ang mga residente sa paligid dahil sa tindi ng apoy. Ayon kay Darwin Olivar, nakita niya na lamang na malaki na ang apoy na nagmumula sa itaas na bahagi ng gusali.

“Nakaupo lang po ako rito sa garahe namin tapos nakita ko, malaki na po ‘yung apoy. Thinner at pintura po ‘yung product nila. Sa taas po ‘yung unang apoy,” pahayag ni Olivar.

Patuloy pa ring inaapula ng mga awtoridad ang mga natitirang hot spot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog at sa kabuuang halaga ng pinsala. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here