MANILA, Philippines – Tatapusin na ng House Committee on Justice ang impeachment hearing nito laban kay Vice President Sara Duterte nito sa susunod na linggo, April 29 at posibleng maiakyat na ito sa plenaryo.
Inihayag ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, miembro ng justice panel na maaaring maiakyat sa plenaryo ang impeachment report sa pagbubukas muli ng sesyon ng Malaking Kapulungan ng Kongreso sa Mayo 4 upang ito ay mapagbotohan kung kailangang maiakyat sa Senado.
Sa ngayon ay meron pang dalawang nalalabing itinakdang pagdinig ang komite, ito ay sa April 22 at 29.
“Ang alam ko on the 29th, hopefully we will wrap up,” ani Adiong.
Kapag natapos aniya ang pagdinig ay gagawa na ng report ang Justice panel ukol sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa bise presidente upang maiakyat sa plenaryo kung saan ang mga kongresista ay bibigyan ng sapat na panahon na mapag-aralan ang report bago maisagawa ang isang botohan.
Sinabi ni Adiong na pagdating sa plenaryo ay bibigyan ng pagkakataon ang mga mambabatas na makwestyon ang sponsor ng committee report na si Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, na siyang chairman ng komite bilang bahagi ng proseso.
“So hindi siya agad-agad ma-aprubahan kasi magkakaroon pa ‘yan ng, of course magkakaroon pa talaga ng debate ‘yan and there will be also time for other members to elicit answers from the chairperson which would be the sponsor of this committee report.”
Paglilinaw pa ni Adiong na ang pagdinig ng komite ay napapaloob pa rin aniya sa isinasaad ng kusntitusyon kung saan ang inaalam lamang ng Kamara ay “probable cause at hindi ay kung may sala o wala ang b ise presidente.
“The panel is focused on whether the evidence, including confirmatory documents, is sufficient to elevate the case for trial in the Senate.”
Ang impeachment complaints laban kay VP Sara ay kinapapalooban ng betrayal of public trust at ilan pa umanong paglabag sa saligang batas kasama ang diumano’y irigularidad sa paggamit ng confidential at intelligence funds sa ilalim ng Office of the Vice President at Department of Education nang ito ay nagsisilbi pa bilang kalihim.
Kabilang din sa reklamo laban sa bise presidente ay ang hindi umano magkakatugmang deklarasyon ng SALN maging ang mga naunang pagbabanta diumnano sa buhay ng pangulo, sa Unang Ginang at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez. (Meliza Maluntag)