Home NATIONWIDE ‘Fixers’ nag-aalok ng serbisyo sa travel clearance, ibinabala ng DSWD

‘Fixers’ nag-aalok ng serbisyo sa travel clearance, ibinabala ng DSWD

118
0

MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), sa pamamagitan ng programa nitong Minors Travelling Abroad (MTA), laban sa mga hindi awtorisadong Facebook page at grupo na nag-aalok ng serbisyo para pabilisin ang pagproseso ng travel clearances.

Sa isang advisory na inilathala noong Lunes (Abril 20), nilinaw ng DSWD MTA na ang mga Facebook page tulad ng Blackbox Travel and Tourism, Flightdeck Junielen Taniola, at Blackboxph Travel Corporation ay walang kaugnayan sa Department.

Ayon sa DSWD  ang nasabing mga page ay nag-aalok umano na pabilisin ang proseso para sa flights, visa, tours, kasama na ang travel clearances.

Mariin na kinondena ni DSWD spokesperson Asst. Secretary Irene Dumlao ang pagdami ng mga hindi awtorisadong platapormang ito.

“Mariin pong kinokondena ng DSWD ang mga FB pages at mga grupong nagpapanggap na konektado sa ating programa at nangangakong pabibilisin ang proseso ng pag-avail sa ating mga serbisyo,” sabi ni Asst. Secretary Dumlao noong Martes.

Ang ilang kaugnay na online na grupo ay nakapagtala rin ng hanggang 2,200 miyembro, na nagdudulot ng pangamba sa pagkalat ng hindi beripikado at maaaring nakaliligaw na impormasyon.

“Ang anumang impormasyon o mensaheng galing sa grupong ito ay hindi beripikado at maaaring hindi tugma sa alituntunin ng MTA,” ayon sa abiso ng DSWD.

Pinayuhan din ng tagapagsalita ng Departamento ang publiko na ang pakikisalamuha sa mga ‘fixer’ ay hindi pinapayagan at maaaring magdulot ng komplikasyon o maging dahilan ng hindi balidong aplikasyon.

“Hindi po pinahihintulutan ang paggamit ng fixer sa anumang transaksyon sa DSWD. Hinihikayat po natin ang lahat na dumaan lamang po sa opisyal at tamang proseso upang masiguro ang maayos, ligtas, at lehitimong pagkuha ng travel clearance para po sa ating mga kasamang menor de edad,” binigyang-diin ni Asst. Secretary Dumlao.

Binigyang-diin din ng Departamento na pinasimple na ng MTA ang mga proseso nito sa pamamagitan ng online application system, na nagpapabilis, nagpapadali, at nagiging walang abala para sa mga kliyente. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here