LUMALABAS ngayon na fake news ang pagkakaaresto kay dating Ako Bikol Partylist Representative Zaldy Co hanggang sa mga oras na ito.
Mismong si Pangulong Bongbong Marcos ang nag-aunsyo nito noon pang Abril 16, 2026 dakong alas 10:00 ng gabi.
At mariin nitong inihayag na pauuwiin si Co sa pinakamadaling panahon upang humarap sa mabibigat na kasong kriminal na isinampa laban sa kanya kaugnay ng daan-daang bilyong pisong kikbakan sa flood control projects.
Matapos nito, sumunod nang nag-anunsyo si Palace Press Officer Claire Castro na nagsabing naaresto si Co dahil sa pagkakansela ng pasaporte nito ng Sandiganbayan kaugnay ng mga kasong graft at malversation na isinampa laban sa kanya.
Sinundan ito ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na posible siyang mamuno sa pagsundo at pag-uuwi kay Co sa Pilipinas at may pahiwatig na nagbunga ang red notice sa Interpol para sa pagkakaaresto ni Co.
Ayon naman kay dating Senate President Franklin Drilon, hindi ganoon kadali ang pagpapauwi ng isang Pinoy sa Pinas na may problemang ligal at deportasyon lang ang pupwedeng pairalin ng Czech Republic.
Sa huli, kinumpirma naman ni Justice Secretary Fredderick Vida na hawak na talaga ng Czech Republic si Co at pupunta siya roon upang ayusin ang pagpapabalik kay Co sa Pinas.
WALANG KATIYAKAN
Isa sa mga nagkumpirma ng kawalan ng tiyak na impormasyon sa balita ang embahada ng Czech Republic sa Pilipinas noong una.
Sumunod dito ang paghahayag ng Prague Police at Department of Justice kay Atty. Harry Roque na wala silang kalam-alam sa balita.
Inihayag naman ni Ako Bikol Partylist Rep. Alfredo “Pido” Abaroa Garbin Jr. na sinabi sa kanya ng napakalapit na pamilya na Co na “Ok naman ang lahat.”
Sumunod na rito ang pinakahuling personal umanong komunikasyon sa pagitan ni Roque at Co na rito sinabi ng huli sa una na hindi siya hinuli o nakadetine.
Kung pinipigil man si Co dahil sa kawalan nga ng kaukulang papeles at hindi dahil sa Interpol red notice, patakaran umano sa Europa ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso muna ng piskal ng Czech Republic at susunod na rito ang pagdedesisyon ng korte o kaukulang ahensya roon kung pababalikin o hindi si Co sa Pinas.
Isinampol mismo ni Roque ang sarili na hindi siya basta mapauuwi ng gobyernong Marcos dahil aplikante siya ng asylum sa The Netherlands at inadbaysan ni Roque si Co na mag-aplay ito ng asylum dahil may banta sa kanya mismo ni dating Speaker Martin Romualdez na kung babalik siya, papatayin siya.
ABRIL 16 NOON AT NGAYON ABRIL 22 NA
Ano nga ba talaga ang tunay na balita rito?
Pansamantala, alanganing totoo o fake news ito hanggang sa kasalukuyan.
Kung lalabas ang katotohanan sa mga susunod na araw na hinuli nga si Co, eh, ‘di wow.
Pero walang nakasisiguro na babaligtad si Co sa kanyang akusasyon na nangunguna sa kikbakan ang Unang Pamilya at si Romualdez kapag buhay siyang makauuwi sa Pinas.
Mag-abang na lang tayo.






