MANILA, Philippines – Isang panukalang batas na naglalayong gawing digital at mas mabilis ang mga serbisyo ng gobyerno, at tuluyang bawasan ang manual at magkakahiwa-hiwalay na proseso, ang inihain sa Kamara.
Inihain ni 1Tahanan Partylist Rep. Nathan Oducado ang House Bill 8794, na kilala bilang “Digital-by-Default Rule Act,” na naglalayong gawing pangunahing paraan ng pakikipagtransaksyon sa gobyerno ang online services upang mas maging mabilis at “accessible” sa publiko.
“People waste time, money, and effort lining up for basic services because systems remain manual, disconnected, and inefficient,” pahayag ng mambabatas.
“This is especially true for Persons with Disabilities (PWDs), Senior Citizens, pregnant mothers and other sectors whose urgent needs and concerns are not simply addressed by adding a priority lane,” giit nito.
Sa ilalim ng panukala, inaatasan ang lahat ng ahensya ng gobyerno na gawing ganap na available online ang kanilang mga pangunahing serbisyo bago sumapit ang Disyembre 31, 2028, habang pananatilihin pa rin ang mga pisikal na serbisyo para sa mga nangangailangan nito.
“Without this law, agencies can delay digitalization, forcing citizens to deal with red tape, repeated submissions, and unnecessary in-person visits. The law will also help make fixers unnecessary and protect the public from scammers promising convenience of access through illegal and corrupt means,”paliwanag ni Oducado.
Kasama rin sa panukala ang paglikha ng National Digital Service Roadmap, mahigpit na monitoring ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pagpapatupad, at paglalaan ng insentibo sa mga ahensyang maagang makasusunod, habang maaaring bawasan ng hanggang 10 porsiyento ang budget ng mga hindi tutupad sa mga itinakdang pamantayan.
“This reform will cut bureaucracy, reduce corruption, and give Filipinos faster, simpler, and more transparent access to government services,” pagtatapos pa ni Oducado. Gail Mendoza