MANILA, Pilipinas — Ipinataw ng Manila City Council ang anim na buwang suspensyon sa dalawang opisyal ng barangay matapos mapatunayang nabigo ang mga ito na protektahan ang isang menor de edad sa kanilang nasasakupan.
Sa regular na sesyon nitong Martes, kumilos ang konseho bilang isang quasi-judicial body at napatunayang nagkasala ang dalawang opisyal—na kapwa naglilingkod sa Sampaloc—ng grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct unbecoming of a public officer.
Pinagtibay ng konseho ang ulat at rekomendasyon ng komite alinsunod sa Section 67, Rule XVI ng kanilang Internal Rules of Procedure, at ipinataw ang pinakamataas na parusang pinahihintulutan sa ilalim ng umiiral na patakaran.
Batay sa imbestigasyon, nabigo ang mga opisyal na agad maibigay sa pamilya ng biktima ang CCTV footage na mahalaga sa imbestigasyon ng pulisya at sa pagsasampa ng kaso. Lumabas din na inabot ng tatlong araw bago nila sinuspinde ang suspek na isang barangay tanod, na nagbigay umano ng pagkakataon dito upang makatakas.
Ayon kay Vice Mayor Chi Atienza, ipinapakita ng hakbang ng konseho ang matibay nitong paninindigan na pangalagaan ang mga bulnerableng sektor ng lipunan.
“Ngayong araw, ginamit namin ang aming quasi-judicial function upang itaguyod ang hustisya at ipakita na seryoso ang Maynila sa pagtugon sa pang-aabuso sa kapangyarihan. Ipagtatanggol namin ang mahihina sa anumang paraan,” ani Atienza.
Ipinahayag din niya ang kanyang pagmamalaki sa ika-13 City Council, na aniya’y patuloy na naninindigan para sa karapatan ng mga mamamayan na marinig at maprotektahan, lalo na ang mga nasa laylayan.
Tiniyak naman ni Atienza sa publiko na mananatiling prayoridad ng konseho at ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang pagbibigay-proteksyon sa mga mahihinang sektor ng komunidad. JAY Reyes