MANILA, Philippines – Kung tutugon sa panawagan na boluntaryong hindi tumanggap ng sahod at allowance si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa sa kanyang mahabang pagliban sa trabaho ay maaari itong maging basehan para ibasura ang ethics complaint na inihain laban sa kanya, ayon kay committee chairman Senator JV Ejercito nitong Miyerkules, Abril 22.
Sa kabila nito, iginiit ni Ejercito na ang desisyon ay nasa miyembro pa rin ng komite at siya ay magsisilbi lamang facilitator bilang committee chairman.
“Dahil ‘yun ang basis ng complaint, it might be basis for the dismissal kasi nga kung talagang hindi na niya tatanggapin ang sweldo niya, sahod niya, allowances, so wala nang basehan ang complaint. Pero pag-uusapan pa ng committee members ‘yan,” ani Ejercito.
Hindi na nagpakita si Dela Rosa sa publiko at hindi na rin dumalo sa anumang sesyon ng Senado mula noong Nobyembre 2025, kasabay ng pagkalat ng impormasyon na posibleng mag-isyu ng warrant of arrest laban sa kanya ng ICC kaugnay sa kontrobersyal na war on drugs.
Noong Pebrero ay naghain ang civil society group na “Wag Kang KuCorrupt” ng ethics complaint laban kay Dela Rosa at hinimok ang komite ng Senado na magsagawa ng formal inquiry sa naturang isyu.
Ito ay upang alamin kung nagkaroon ng paglabag sa rules at ethical standards ng Senado, at matukoy ang nararapat na parusa.
Nitong Martes ay umapela si Ejercito kay Dela Rosa na boluntaryong isuko ang kanyang sahod at allowance habang siya ay hindi pumapasok.
Samantala, iginiit ni Ejercito na ang Senado ay walang umiiral na “no work, no pay” policy, at kailangan munang amyendahan ang kautusan bago desisyunan ang pagliban ng mga senador.
“Just to be fair to everyone. Siguro, voluntarily ang apela ko, kung i-waive ‘yung pagtanggap ng sahod at mga allowances para ‘yung issue mismo eh kahit papaano ma-address na,” ayon pa sa senador.
Itinakda ang susunod na pagpupulong ng komite sa Abril 28 kung saan susuriin ang pending na mga reklamo para sa compliance with form and substance. RNT/JGC