Home NATIONWIDE Depensa ni VP Sara kinastigo ni Luistro: Isyu sa confi fund sagutin...

Depensa ni VP Sara kinastigo ni Luistro: Isyu sa confi fund sagutin ‘di buhay sa kolehiyo

91
0

MANILA, Philippines – Pinuna ni House Committee on Justice Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro si Vice President Sara Duterte dahil sa pagsagot nito sa mga isyu sa labas ng pagdinig, sa halip na humarap at magpaliwanag sa mismong isinasagawang impeachment proceedings.

Ayon kay Luistro, hindi dapat pinagkakatiwalaan ang mga pahayag na hindi dumadaan sa tamang proseso ng pagdinig.

“Let me be clear: this Committee will not take anything at face value—whether said inside this hall or outside of it. Hindi tayo basta maniniwala sa ingay. We will evaluate everything. Dahil ang katotohanan ay hindi matatagpuan sa mga press release. Ito ay nakasandal sa mga dokumento, at sa mga salaysay na sinumpaan,” ani Luistro.

Giit pa ni Luistro, tila iniiwasan ang sentrong isyu at sa halip ay ibang usapin ang ibinabato sa publiko.

“Sa totoo lang, na-ghost na nga tayo, tila gina-gaslight pa tayo. Ang mas mahalagang tanong ay kung nasaan ang pera, ngunit ang sagot sa atin ay tungkol sa grado sa kolehiyo. And the worst part? This explanation is not being made here, but everywhere else. Ang gusto natin ay testimonya sa ilalim ng sumpa, pero ang ibinibigay sa atin ay press release, at content sa social media,” ani Luistro.

Aniya, ang komite ay susuri lamang sa mga ebidensyang opisyal na isinumite sa pagdinig, at hindi sa mga pahayag na lumalabas sa labas nito.

“Again, let us be clear: Hindi tayo basta maniniwala. We will evaluate everything—Madriaga’s testimony, COA documents, NBI findings, PSA certifications. Lahat ng ito ay kailangang iharap dito, suriin dito, at timbangin dito. Pero dapat dito. Humarap ang kailangang humarap, manumpa at magpaliwanag. Dito sa Komiteng ito,” ani Luistro.

Ipinunto rin niya ang patuloy na pagliban ng Bise Presidente sa mga pagdinig.

“But there was one thing we could not ignore; something that was right in front of us: the empty chair of the Vice President. Wala ho siya nitong nakaraan,” ani Luistro.

“Habang nandito ang mga nagrereklamo, ang tanging humarap sa atin ay isang bakanteng upuan,” dagdag niya.

Ayon kay Luistro, patuloy na tinatalakay ng komite ang mga dokumento at ebidensiya kaugnay ng confidential funds at iba pang alegasyon, ngunit nananatiling hindi nasasagot ang mahahalagang tanong.

Idinagdag pa ni Luistro na ang mga tanong kay Duterte ay hindi mawawala sa kabila ng ginagawa nitong pag-iwas at pananahimik. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here