MANILA, Philippines – Mariing kinondena ng iba-ibang grupo ang mga hakbang ng Estados Unidos na nagdulot ng problema sa bansa matapos magsagawa ng kilos protesta nitong Miyerkules ng umaga, Abril 22.
Mula sa bahagi ng Plaza Salamanca sa kanto ng Kalaw at Taft Avenue, nagtipon-tipon ang mga nagprotesta bago nagmartsa patungong US Embassy ngunit naharang na sila ng mga pulis bago pa man makatawid sa Roxas Bouleverad.
Mariing kinokondena ng grupo ang naging marahas na kilos ng Amerika katuwang sng Israel laban sa Iran na naging dahilan ng krisis na nararanasan sa bansa.
Hiling nila na patalsikin na ang tropa ng Amerika na ginagawang kasangkapan ang Pilipinas sa pagsisimula ng kaguluhan kung saan itigil na rin ang ginagawang Balikatan Exercises.
Giit nila, hindi dapat idamay ng Amerika sa anumang mga gulo o giyera na kinasasangkutan nito ang Pilipinas lalo na’t magiging kawawa ang taumbayan sa kahihinatnan nito.
Panawagan pa ng grupo, gumawa na sana ng konkretong hakbang ang gobyerno para masolusyunan ang pagtaas ng produktong petrolyo bunsod ng ginawang pag-atake ng Amerika sa Iran.
Matapos ang programa, nagmartsa ang iba’t-ibang grupo patungong US Embassy pero hindi sila pinayagan makalapit ng mga otoridad. Jocelyn Tabangcura-Domenden