MANILA, Philippines – Hiniling ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Office of the Ombudsman na mag-inhibit ito sa imbestigasyon sa kanya kaugnay ng umano’y flood control controversy, dahil sa tinatawag ng kanyang kampo na “pattern of prejudgment” na umano’y paglabag sa due process.
Ayon sa pahayag ng kanyang opisina nitong Biyernes, nakasaad ang kahilingan sa isang apat na pahinang liham na may petsang Abril 22, 2026, na isinumite ng kanyang mga abogado mula sa Villaraza & Angangco.
Iginiit ng kanyang legal team na ang mga naging pahayag umano ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla at ng ilang opisyal ay nagbigay ng impresyon na tila napagpasyahan na ang kasong plunder, kahit wala pa umanong pormal na reklamo o preliminary investigation.
“There is a reasonable impression that the Ombudsman has already resolved to prosecute our client,” pahayag ng defense lawyers.
Ang kahilingan ay naglalagay ng usapin sa pagiging patas at pagiging walang kinikilingan ng Ombudsman sa isinasagawang paunang hakbang ng imbestigasyon sa umano’y flood control controversy na patuloy na sinusuri sa mga nakalipas na linggo. RNT