Home NATIONWIDE Mga sakahan sa Zambales idurugtong sa mga pamilihan sa P727M road project

Mga sakahan sa Zambales idurugtong sa mga pamilihan sa P727M road project

85
0

MANILA, Philippines — Aabot sa 1,500 magsasaka at 4,500 kabahayan, kabilang ang mga komunidad ng katutubo, ang inaasahang makikinabang sa aprubadong ₱727-milyong farm-to-market road (FMR) project sa Masinloc, Zambales.

Inaprubahan ng Regional Project Advisory Board ng Department of Agriculture–Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) ang proyekto na mag-uugnay sa Baloganon hanggang Sitio Coto sa Barangay Taltal sa pamamagitan ng 26-kilometrong kalsada.

Kasama sa proyekto ang pagsasaayos at pagsemento ng mga sirang bahagi ng kalsada, pagpapahusay ng drainage system, at pagpapalit ng 11 tulay upang mas mapabuti ang kaligtasan at tibay ng daanan.

Kapag natapos, ito na ang pinakamalaki at pinakamahabang FMR project sa ilalim ng PRDP Scale-Up program.

Inaasahang mapapabilis ang biyahe at mababawasan ang gastos sa transportasyon ng mga magsasaka sa pagdadala ng kanilang ani patungo sa mga pamilihan.

Makakatulong din ito sa pagpapalakas ng produksyon ng mga pangunahing produkto sa lugar tulad ng mangga at palay, habang inaasahang tataas ang farmgate prices at mababawasan ang post-harvest losses.

Bahagi ang proyekto ng mas malawak na layunin ng pamahalaan na paunlarin ang imprastraktura sa kanayunan at mapabuti ang kabuhayan ng mga komunidad sa agrikultura. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here