MANILA, Philippines — Iginawad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang 800 titulo ng lupa sa mga benepisyaryo mula sa limang lalawigan sa Western Visayas sa ilalim ng programang “Handog Titulo.”
Isinagawa ang pamamahagi noong Abril 24 sa Iloilo River Esplanade, kasabay ng paglulunsad ng programang “Luntiang Bukas: Pamilyang May Lupa, Komunidad na Luntian, Bukas na Matatag.”
Ayon sa DENR, layon ng inisyatiba na maiugnay ang seguridad sa lupa sa mas matatag na kabuhayan at mas epektibong pangangalaga sa kalikasan.
Binigyang-diin ng ahensya na ang kawalan ng titulo ay nagdudulot ng pangamba sa mga magsasaka at komunidad, na nagiging hadlang sa pamumuhunan at pag-unlad.
Sa ilalim ng programa, inaasahang magkakaroon ng mas malinaw na pagmamay-ari ng lupa ang mga pamilya, na magbibigay ng katatagan at dignidad sa kanilang pamumuhay.
Tampok din sa aktibidad ang pagpapakita ng mga modelong bahay na kayang tumagal sa matitinding kondisyon ng panahon, pati na ang mga sustainable practices tulad ng urban gardening at environmental protection.
Bahagi ito ng mas malawak na layunin ng DENR na pagsamahin ang land ownership at climate resilience para sa pangmatagalang kaunlaran ng mga komunidad. RNT/JGC