MANILA, Philippines – Nangako ang state witness at dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo na magbabalik ito ng P1 bilyon sa pamahalaan bilang bahagi ng restitution sa pagkakatanggap sa Witness Protection Program.
Sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division sa malversation case ni dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. at co-accused nito, inakusahan ni Bernardo si Revilla na nagkaroon ng alokasyon na P1.5 bilyon halaga ng proyekto sa Department of Public Works and Highways, na pinondohan noong 2025.
Sinabi rin ni Bernardo na si Revilla ay tumanggap ng P500 milyong halaga ng “commitments.”
Sa kabila nito, pinalutang ni Associate Justice Ronald Moreno ang restitution ni Bernardo bilang bahagi ng pagsubok sa kredibilidad niya bilang state witness.
Nang tanungin kung magkano ang inoobliga sa kanya para sa restitution, sinabi ni Bernardo na, “P1 billion.”
Nagtanong pa si Moreno kung magkano na ang naibalik at sinabi ni Bernardo na, “Half of that … per the requirement.”
Noong nakaraang linggo, sinabi ni dating Bulacan district engineer Henry Alcantara sa korte na walang kinitang anumang komisyon si Bernardo sa mga proyekto sa kanyang distrito.
Tinanong naman ni Moreno si Bernardo tungkol sa bahagi ng testimonyang ito ni Alcantara.
“That is highly incredible, highly unbelievable,” ani Moreno matapos mabanggit ang pahayag ni Alcantara.
Tanong naman ni Moreno: “Where else do you earn?”
“There are other transactions, Your Honor, other than this transaction,” sagot ni Bernardo. RNT/JGC